#1
Ogabar, Rain P, BAJ2-1N
GAWAIN# 4 TBS
Sa Pag-uwi
Pagpatak ng alas nuwebe ng gabi maluwag at hindi na matao, ngunit pahirapan pa rin sumakay sa Novaliches Bayan. Iilang pampublikong sasakyan na lamang ang dumaraan, kung maka tiyempo maghihintay ka nang matagal upang maukupa ang lahat ng upuan.
Paraan ng pagbawi, sinusulit ang bawat byahe dahil sa mataas pa ring presyo ng gasolina. Kaya’t ang mga pasaherong uwing-uwi na, walang magawa kundi maghikab at pahabain ang pasensya.
#2
Ulan
ni Danielle Yuchingco
Matapos ang mahabang panahon ng matinding init, muling bumuhos ang ulan sa isang magubat na bahagi sa Santa Maria, Bulacan bandang ala sais ng umaga, na nagbigay ng malamig na simoy sa gitna ng tag-init.
Makikita ang hangin at pagbagsak ng ulan sa mga puno at halaman habang unti-unti nitong binabago ang tuyong panahon na ilang linggong naranasan ng mga residente. Ngunit, kasabay ng pag-ulan ay ang pagkawala ng kuryente na tumagal magdamag sa ilang bahagi ng Bulacan.
Sa kabila nito, marami ang nakadama ng ginhawa dahil pansamantalang napawi ng ulan ang matinding init at nagdala ng mas malamig na panahon sa komunidad.
#3
Janapin, Sebastian Francis James V.
BAJ 2-1N
Ang siklo sa sentro ng siyudad ng Makati
Umaabot sa higit tatlong milyon ang daytime population ng Lungsod ng Makati kada araw, kumpara sa normal nitong populasyon na higit 300,000, ayon sa 2024 Census. Dahil ito sa malaking bilang ng mga taong nagtatrabaho sa Central Business District (CBD) nito.
Bilang commercial center at financial hub, ramdam bawat gabi ang paglalakad ng daan-daang tao sa pedestrian lane ng malawak na Makati Avenue at Gil Puyat Avenue, mula sa mga nagtataasang gusali sa buong Central Business District.
Ang ilan, nagkukwentuhan lang habang tumatawid sa naturang mga daanan. Ang ilan, matiyagang naghihintay ng masasakyang jeep na may rutang Guadalupe-Cartimar, dahil istasyon ng MRT ang dulo ng ruta. Ang ilan, hinihintay din ang pagdating ng mga na-book na mga motortaxi mula sa mga ride hailing apps. Ang ilan, para lamang makasakay agad pauwi ay sumasabit na lang sa jeep, ‘di alintana ang dalang panganib nito.
Habang bitbit ang pagod sa trabaho at paghihintay ng masasakyan pauwi, gabi-gabing sinasalubong ng mga komyuter ang mala-delubyong mabagal na pag-usad ng mga sasakyan. Paulit-ulit. Araw-araw. Gabi-gabi. Parang gulong ng mga sasakyan—paikot-ikot at biglang hihinto.
Ito ang realidad sa kanto ng Makati Avenue at Gil Puyat Avenue.
#4
Gilded Alley
By: Iris Landicho
Cheap in price, but quality in character—an accessory stall along Ilaya Divisoria slowly grows viral. Baskets of trinkets and antique jewelry glinting in its every corner, shouting prices as low as 20 pesos. Each design is boldly unique and reminiscent of the maximalist vintage jewelry era around the mid-70s. The aesthetic speaks for the younger generation as current fashion interests
revolve around this era, reflective of the ukay-ukay and anik-anik culture nowadays. As forms of expression include clothing and accessories, this small trending stall has been recognized as a stepping stone towards discovering one’s own personal flair. Tempting in its affordability, students and young adults alike indulge in the statement pieces that adorn their diverse fashion styles.
#5
Cassandra Alexa B. Anova
BAJ 2–1N
Mixed
Sa loob ng Hub Make Lab sa Escolta, matatagpuan ang isang stall na nagngangalang Bakis na pagmamay-ari ng isang pintor na si Kuya Mix. Ang kaniyang palayaw ay hango sa estilo ng kaniyang pagpipinta na kung tawagin ay mixed media, ito ay ang uri ng sining na kung saan pinaghahalo niya ang iba’t ibang kagamitan sa pagpipinta gaya na lamang ng mga pastel, krayola, acrylic na pintura at iba pa sa iisang gawa.
Inilalathala din ni Kuya Mix ang kaniyang sining sa mga canvas pati na rin sa mga damit. Binebenta niya ang kaniyang mga gawa sa halagang Php 500 pataas. Bukod dito, nagbebenta din siya ng mga alahas na gawa sa platinum, mga laruan, mga bag, at mga pigurin. Ayon din sakaniya, matagal na siyang nagpipinta at nagbebenta sa Escolta.
#6
Ang Mga Nakaraan na Hawak ng Ukayan
ulat ni Reese Keisha Cassandra Quiroz
Nagbibigay liwanag gabi-gabi ang isang munting ukayan na puno ng mga pinaglumaan na damit sa isang sulok sa Bayan ng Antipolo City. Kada linggo, may ipinapadalang mga bagong salabg na damit sa ukayan na ito na tinatawag nilang “new arrivals”; kadalasan ang mga bagong damit na ito ay mas mahal kumpara sa presyo ng mga damit na matagal nang nakasampay doon.
Sa halagang 100 pesos, makakabili ka na ng tatlong piraso na damit o kaya pantalon. Lumaki ako sa kahirapan at ang tanging naisusuot at nabibili ko lamang ay ang mga mumurahing lumang damit sa mga ukayan na puno ng mga berdeng hanger.
Sa ukayan na ito, lumilitaw ang kulay berde na mga hanger at kadalasan dito natutukoy na mumurahin ang benta ng isang ukayan. Ika nga, kapag puti ang hanger, mamahalin ang damit. Sa gabing mainit ang simoy ng hangin at mahirap makasakay pauwi, dinadayo ang isang munting ukayan sa sulok ng bayan bilang panandaliang pahinga.
#7
Orlando Liwag
BAJ 2-1N
Kandila, Dasal, at Pag-asa.
Kung magtitirik ka ng kandila sa Baclaran, ano ang ipagdadasal mo?
Pamilya? Sarili? O ang unti-unting nalulugmok na kalagayan ng ating bansa?
Siguro, puwede naman lahat.
Simulan sa pasasalamat, para sa mga biyayang natanggap kahit sa gitna ng hirap.
Isunod ang paghingi ng tawad, para sa mga mga pagkukulang, pananahimik, at mga pagkakataong pinili nating umiwas kaysa makialam.
At ihuli ang mga hiling, hindi lamang para sa sarili, kundi para rin sa pamilyang patuloy na lumalaban at sa bansang matagal nang naghahanap ng liwanag.
Para sa mga Katoliko, isa ang pagdadasal at pagtitirik ng kandila para mapalapit sa Diyos. Isang pag-asang may nakikinig, kahit tila magulo at mabigat ang mundo
Sa bawat nag-aalab na kandila sa Baclaran, may kwento ng pananampalataya. At marahil, sa liwanag ng munting apoy na iyon, unti-unti ring nabubuhay ang pag-asa para sa sarili, sa kapwa, at sa bayan.
#8
Jonelle D. Tawag | BAJ 2-1N
Avocado sa habang panahon.
Mahigit tatlong dekada nang hanapbuhay ni Aling Gloria ang pagbebenta ng avocado sa Ilaya, Divisoria. Ayon sa kanya, maliit pa lamang ang mga anak niya ay ito na ang pangunahing pinagkukunan nila ng kabuhayan. Mula sa pag-aangkat ng mga ito hanggang sa pagkayod para gawing palamig, naging katuwang ni Aling Gloria ang mga avocado upang suungin ang mga pagsubok ng panahon.
Ngayon, katabi ng kanyang pwesto ay isang tindahan ng halo-halo na pagmamay-ari ng kanyang anak—ang anak na kanyang napalaki at napag-aral mula sa pagbebenta ng avocado.
#9
Kung Saan Bago ang Luma
ni Jolyn Audrey Madrilejos, BAJ 2-1N
Sa ikalawang palapag ng palengke sa Brgy. Tungkong Mangga ng San Jose del Monte, Bulacan matatagpuan ang isang bagong tayo na ukayan. Walang pangalan, puro lumang damit lamang na may halagang P25 hanggang P150. Bagamat sabado at inaasahang maraming tao ang bibili dahil nasa itaas lamang ito ng isang pamilihan, piling mga mamimili lamang ang nakakaalam sa lugar na ito dahil talamak na ang iba’t ibang ukayan sa mga kalapit na pwesto.
Isa sa mga mamimiling madalas pumunta rito ay si Nathan, ayon sa kaniya, nakita niya lamang ang video ng may-ari ng ukayan sa Tiktok at naisipan niyang bumisita. Simula noon ay paulit-ulit na siyang bumabalik dahil sa madalas na sale ng ukayan upang makakalap ng mamimili. Naghahanap at nagtitingin pa rin naman siya sa ibang mga pwesto pero para sa kanya, sulit ang mga damit na nakikita niya sa ukayan na ito dahil ang iba ay branded at mukhang hindi manlang nagamit.
Isang sikat na kultura sa Pilipinas ang pagpunta sa mga ukayan para bumili ng mga damit sa murang halaga. Ginagawa itong trend o kaya naman ay bonding ng mga magkakaibigan na gustong bumili ng damit pero ayaw na gumastos ng sobra. Para sa ilan, nakakatulong ang iba’t ibang estilo ng damit upang matuklasan ang tunay na nais suotin sa pang araw-araw man o espesyal na okasyon. Sa ukayan, malaya ang mga mamimili na bumili ng mga damit at gawin ang kanilang nais sa mga ito. Dahil sa ukay, bagamat luma na ang mga damit—bago naman ito para sa bagong gagamit.
#10
BEGINNING OF THE END
Ni: Haizel Mariano | BAJ 2-1N
Isang normal na gabi sa bahay bilang isang student journalist. Bago pa man magpahinga para sa susunod na araw, ang panonood at pakikibalita ng kaganapan sa paligid katulad na lamang ng insidente sa senado ay isang parte lamang ng buhay mamamahayag.
#11
Dranrev Gale B. Samson
Gawain #4 TBS in Film BAJ 2-1N
Hindi na maulan sa Hinulugang Taktak
Marami na ang bisita sa Hinulugang Taktak sa Antipolo matapos ang ilang oras na pag-ulan ngayong ika-16 ng Mayo.
Tuyo na ang parke, habang ang talon ay patuloy na atraksyon para sa maraming residente at turista.
Mapa-nag-iisa, magkasintahan, o pamilya, dinarayo ng mga tao ang parke. Puno ang mga cottage habang nagsasalo sa kanilang mga dalang pagkain para sa picnic.
Marami rin ang mga nakaupo lamang at nagpapahinga kasama ang kanilang mga minamahal sa buhay.
Kung bibisita ka sa Antipolo, magandang isama ang Hinulugang Taktak sa bucket list mo.
#12
Sharen Angelique Gomez
Madaling Araw sa España
Saksi ang maingay na kalsada ng España sa istorya ng mga iba’t ibang tao na araw-araw binabaybay ang kalsadang ito.
Sa umaga ay punong-puno ito ng mga jeep, bus, kotse, motor, bike, at mga truck na nagsasanhi ng trapiko kahit hindi kasagsagan ng rush hour pati na din ang mga estudyante, manggagawa, vendors, mga delivery riders, at marami pang iba na araw-araw nakikipagsapalaran sa mga kanto ng kalye ng España. Ngunit pag-sumapit ang dis-oras ng gabi, puro mga motor, mga pribadong sasakyan, at mga naglalakihang truck na lamang ang makikita sa mga kalsada ng España.
Matagal na panahon akong nalagi sa España, mula sa pagiging estudyante ng hayskul na kasama ang mga kaibigan na baybayin ang mga kalsadang naroroon hanggang sa pagiging estudyante ng kolehiyo na ngayon ay mag-isa na lamang binabaybay ang mga kalsadang ito.
Sa mga ganitong oras; alas-tres ng madaling araw, madalas akong naglalakad mula sa aming bahay papunta sa España at pagkatapos ay lalakarin ang distansya ng España at Morayta at naglalakad muli upang makauwi. Malamig ang simoy ng hangin rito pag sumapit na ang madaling araw at kahit na maingay dahil sa malakas na pagbusina ng mga truck, lumuluwag ang pakiramdam ko pag naglalakad ako rito; may kasama man o ako lamang mag-isa.
#13
Pista ng Pagkakaisa
Kim Lorielyn Poquiz
Tuwing sasapit ang huling linggo ng Abril, ipinagdiriwang ng Barangay 221, Barangay 227, at Barangay 228 ang pista ng Sagrada Familia. Ginugunita ang pistang ito bilang pasasalamat sa mga biyayang ipinagkakaloob ng patrong Sagrada Familia, at upang humiling ng patuloy na paggabay sa kalusugan at kaligtasan sa bawat tahanan ng mga residente, pati na rin sa buong komunidad.
Mula sa mga matitingkad na banderitas na nakasabit at masiglang pagdagundong ng mga tugtugin—na resulta ng pagbubuklod-buklod ng mga residente upang bigyang-buhay ang paligid, napupuno ng positibong enerhiya ang buong komunidad sa pagdaraos ng kapistahan. Sa bawat sabay-sabay na pag-indak ng mga mamamayan sa musika—na ‘di alintana ang silaw mula sa nagkikislapang mga ilaw—masasalamin ang indayog ng mga pusong nagkakaisa, na siyang nagpapasigla at nagbibigay-kulay sa tunay na diwa ng pagdiriwang.
Kahit na isang beses lamang sa isang taon ang ganitong mga pagdiriwang, dito tunay na maipapakita kung gaano kalalim ang ugnayan ng mga mamamayan. Bagamat mayroong mga alitan at pagkakaiba sa paniniwala ang bawat isa, pansamantala itong isinasantabi upang magkakasamang lumikha ng mga ala-alang lalong magpapatatag sa kanilang samahan at magpapatibay ng pundasyon ng kanilang pamayanan. Hindi lamang pagsasaya ang madarama tuwing kapistahan, ipinapamalas din dito ang koneksyon ng bawat isa—isang ugnayan na bumubuhay sa ating pagkakakilanlan, at naglalapit sa puso ng bawat mamamayan.
#14
Naka Kandadong Mga Hiling
Denise Angela Ofilada
Lahat ng tao ay may sari-sariling hiling sa buhay—kesyo magtagumpay sa kanilang mga layunin, guminhawa ang buhay, matagal na pag-iibigan, at kung ano-ano pa. Sa loob ng Baclaran Church, mayroong mga ‘Love Locks’ kung saan maraming magkasintahan ang nagkandado ng kani-kanilang hiling para sa mas matagal pang pagsasama kung saan saksi ang Diyos.
Habang pinagmamasdan ko ang mga padlocks na ito, napaisip ako: mayroon din bang mga tao na naglaan ng hiling para sa pagmamahalan ng kanilang pamilya?
Dahil kung tututuusin, ang mundo ay hindi lamang umiikot sa pagmamahal na romantiko, kundi sa pagmamahal din ng isang pamilya. Ang pagmamahal ng iyong nanay sa tuwing ika’y karga niya, at ang pagmamahal ng isang tatay na araw-araw kumakayod para sa pamilya.
Sana, sa susunod na may mag-alay ng kanilang hiling sa mga rehas na ito, hindi lang pag-ibig ng magkasintahan ang maikandado, kundi pati na rin ang walang kapantay na pagmamahal at pagkakaisa ng pamilyang laging nandyan para sa atin.
#15
A Catch Basin City
by Lance Jay-Ar Gupit
Whenever strong rains hit Metro Manila and Rizal, water from nearby cities and surrounding areas eventually makes its way towards Marikina. Known as a “catch basin” city, Marikina is very prone to flooding; even a short period of heavy rain is already enough to make the residents alert.
What makes the situation more difficult is how normal it has become.
This reality has made flooding feel immediate and constant for many communities. It no longer takes a typhoon for residents to worry. Over the years, this response has become routine for many communities in the city, especially those living near waterways and low-lying areas.
#16
mark joseph chavez
Tatlong Saligang Larawan sa Pelikula
Sa likod ng payapang tubig ay may nakakubling lalim
Sa bayan ng Angono, na matatagpuan sa tabing lawa ng Laguna, ang pamumuhay ay payak, tahimik, at naka sentro sa tubig.
Ang pangingisda ay isa sa pangunahing hanap buhay ng karamihan sa bayan. Ito ay kanilang pinagkukunan nang maiihahaain sa hapag, pinagkakakitaan, at ang iba naman ay ginagawang libangan.
Sa pagsapit ng dapit hapon sa tabing lawa ng Laguna, kasabay nito ang pag daong at pag palaot ng mga mangingisda sakay ng kanilang mga bangka, ang pagwasiwas ng mga pamiwas, at ang pagkabulabog ng tubig sa lawa.
Bago pa man mag bukangliwayway hanggang sa pag lubog ng haring araw sa kanluran, para sa mga taga Angono, ang tubig ay hindi lamang parte ng kalikasan, ito rin ay kalakip na ng pang araw-araw nilang pamumuhay.
#17
DE OCAMPO, Gemeinhardt B.
Bachelor of Arts in Journalism 2-1N
Digital Imaging w/ Laboratory
Init ng Araw, Alab ng Sining
“Ang sining ang patunay na ang kagandahan ay hindi kumukupas sa paglipas ng panahon.”
Sa bawat sulok ng Pinto Art Museum sa Antipolo, Rizal ay matatagpuan ang mga obra maestra ng mga Pilipinong pintor, artista, at iskultor.
Bagaman sa paglipas ng panahon ay tila marami na sa kanila ang hindi nakikilala o tuluyan nang nakalimutan ng kasalukuyang henerasyon, ang kanilang mga obra ay nandito pa rin—matatag at patuloy na nagpapatingkad sa kabuuang estetiko at atmospera ng museo.
Salungat sa ibang modernong museo, ang Pinto Art Museum ay bukas—walang aircon, bukas at may natural na init mula sa sikat ng araw. Ngunit sa kabila ng matinding panahon, maalinsangang init at hamon ng mahabang biyahe, patuloy pa ring dinarayo ang museo.
Marahil sila ay pumunta lamang para kumuha ng litrato na ipo-post sa social media o anumang personal na rason. Subalit sa huli, kahit ano pa man ang paunang motibo ng bisita, ang mahalaga ay ang patuloy nilang pagsuporta sa museo, sa ating pagiging Pilipino at sa ating natatanging kultura, sining at artes.
Ang pagpili na pumunta sa museo ay isang hakbang patungo sa pagsuporta at patuloy na pagtangkilik sa sariling atin. Lampas sa pagiging estetiko, ang isang bisita ay patunay na buhay, nagbabago at patuloy na tumitibok ang sining sa Pilipinas.
#18
Lian Joy Magano
BAJ 2-1N
LIBRO LIBRE
Kapag binaybay ang kalye ng Balagtas sa Makati City, tiyak na mga patong-patong na libro ang makakasalubong mo. Ito ay aklatan sa lansangan na Reading Book Club 2000 kung tawagin. Tahanan ito ng libo-libong librong malayang binabasa at iniuuwi ng kahit sinuman na mapadaan.
Marami na itong natulungan sa loob ng mahigit dalawang dekada na nakatayo ito sa gilid ng kalsada. Hindi kasi katulad ng ibang aklatan, dito ay hindi mo na kailangan maglabas ng pitaka para sa membership. Ang tanging hinihingi lang nito mula sa mga tao ay ang kanilang interes na magbasa at kagustuhang matuto.
Nanatiling malaking suliranin sa Pilipinas ang kakulangan sa akses sa edukasyon. Sa iba’t ibang panig ng bansa ay marami pa ring estudyante ang hirap makabili ng libro at kapos sa mga materyal na kailangan upang makapag-aral. Kaya naman misyon ng Reading Book Club 2000 na punan kahit kaunti ang agwat sa edukasyon na bigong solusyunan nang maayos ng gobyerno.
Sa panahon ngayon kung saan mas babad ang mga tao sa kani-kanilang gadyet kaysa mga aklat, nananatiling bukas ang Reading Book Club 2000 para sa kahit sinong nais matuto. Sa pamamagitan ng mga libreng libro, patuloy itong lumalaban na buhayin ang kultura ng pagbabasa at pagkatuto.
#19
Alitang Paslit
ni Hanz Gabriel Ramos
Habang tirik ang araw nitong Sabado ng hapon, nagmistula palaruan ang harap ng Baclaran Church ng tatlong batang magkakapatid na sina Jekjek, Yana at Carlo.
Sa mata ng mga paslit na ito, maliit na ilog ang tubig-kanal na dumadaloy malapit sa daanan patungong simbahan. Nilalaro nila na parang bangka ang mga takip ng bote, at idinadawdaw ito sa tubig—na siya rin naging sanhi ng maliit na alitan at asaran.
Mapapansin ang magagaang hampasan at munting bangayan, ngunit bakas pa rin sa kanilang mukha ang mababaw na katuwaang sumisimbolo sa kanilang kamusmusan.
#20
Patrick Padrique
#21
Denise Nicole B. Paulino | BAJ 2-1N | Three Basic Shots in Cinematography
Tiny Friends, Grand Happiness
During a busy Saturday night at SM Megamall in the city of Mandaluyong, people of all ages swarm a store of collectible toys and figurines called Pop Mart.
One of the fan favorites that most people line up for despite the pile of crowd is a series of figurines named Hirono.
But these tiny friends are more than just collectibles you would find sitting on top of a desk or decorating a bag of your liking. What exists beyond these blind boxes are characters who are a fracture of your soul. These little guys are made to be a mirror of a personal memory of yours, with the intention of striking hope, nostalgia, and happiness.
#22
James Santiago
“Memento mori, memento vivere” at “carpe diem”, dalawang latin phrase na nangangahulugang “remember you will die, remember to live” at “seize the day”.
At ang mga pariralang ito ay paalala na balanse ang dapat sa ating pananaw, kilalanin ang pagiging panandalian ng buhay upang huwag masayang ang bawat sandali. Habang tinatanggap natin ang katotohanang magkakaroon ng wakas ang bawat isa, hinahamon din tayo nitong punuin ang ating mga araw ng kabuluhan — magpakatotoo sa sarili, magmahal nang buong puso, kumilos nang may hangarin, at pahalagahan ang maliliit na ligaya.
Nasa parte ako ngayon ng aking buhay kung saan gusto kong masubukan ang mga bagay-bagay. Sumakay ng bangka sa bay ng MOA, medyo malansa pero wala na akong magagawa tungkol doon. Sinubukan ko rin ang mga rides sa Skyranch sa Tagaytay, wala pa rin talagang tatalo sa rides ng Enchanted Kingdom sa Laguna. Naranasan ko ring mag hike para makarating sa Ditumabo Mother Falls ng Aurora Nakakapagod, madulas, at malamok pero masasabi kong worth it dahil malamig ang tubig at maganda ang tanawin.
At sa bawat bagong karanasan na ito, natutunan kong hindi lang sapat ang mag-ingat para sa bukas; kailangan ding ipuno ang ngayon.
#23
Mga Naiwang Bakas
By: Sophia Bianca Santos | BAJ 2-1N
Dalawang buwan matapos ang sunog noong Marso 6, nananatili pa rin ang bakas ng trahedya sa bahagi ng Public Market sa Pritil, Binangonan, Rizal. Ang pwesto ay dating binubuhay ng samu’t saring gulay ay puno noon ng sigawan mula sa tindera, at tawaran ng bawat mamimili. Ngayon, ang dating masikip na hanay ng paninda ay napalitan ng espasyong nilamon ng apoy.
Hindi lamang mga kahoy, yero, at paninda ang tinupok ng apoy, Kundi maging ang kabuhayang matagal nilang pinangalagaan. Kasama sa abo ang mga nawalang puhunan, planong kita, at katiyakang dating inaasahan sa bawat araw ng pagtitinda. Sa kabila ng trahedya, ay ang pagsilab ng bagong simula.
Sa gilid ng nasirang gusali, ang mga tindero’t tindera ay nagtayo ng mga pansamantalang talipapa upang maipagpatuloy ang paghahanapbuhay. Gamit ang mga trapal at simpleng lamesa, muling bumalik ang bentahan at pakikibaka ng mga taong umaasa sa araw-araw na kita. Hindi man agad naibalik ang dating palengke, makikita sa bawat paninda at muling pagbangon ang pagpapatuloy ng kanilang buhay.
Nanatili man ang bakas ng sunog sa lugar, mas malinaw pa rin ang bakas ng pagbangon ng mga taong hindi sumuko.
#24
Alprince Vincent A. Miguel
BAJ 2-1N
Digital Imaging
Gawain #4: Tatlong Saligang Larawan (TSL) /Three Basic Shots (TBS) sa Pelikula
PANATANG PANGHABANG(HANAP)BUHAY
Tatlumpung taon nang saksi ang tarangkahan ng Katedral ng Antipolo sa debosyon ni Teresa Dela Rosa. Para sa kanya, ang bawat sampaguitang matyagang ginawa ng kanyang malikhaing kamay ay hindi lamang hanapbuhay, kundi isang panata at pag-ibig sa Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay.
Kahit madalas ay kakarampot at sapat lamang na pantawid-gutom ang kinikita, hindi kailanman naapula ang alab ng kanyang debosyon. Sa gitna ng pagsubok, lalo pang humihigpit ang kanyang kapit, buo ang tiwala na ang Inang nagbigay sa kanya ng tanglaw ay siya ring patuloy na aakay at magbibigay pag-asa.
Isang panatang panghabangbuhay, na nakapulupot sa kanyang bawat kwintas ng sampaguita.
#25
De Villa, Regina Coeli Elaine R.
BAJ 2-1N | Digital Imaging
Gawain Bilang #4 - Three Basic Shots in Film / Cinematography
Pamagat: Sa Aming Hardin
Sa harap ng aming tahanan sa Pagbilao, Quezon, nakalatag ang munting hardin na pinalago ng aking mga magulang gamit ang sarili nilang mga kamay. Paborito kong puntahan ito pagkagising at pagmasdan kung paanong hulihin ng mga dahon ang sinag ng araw sa umaga. Madalas ay maaabutan ko rin ang aking nanay at tatay na dinidiligan ang mga iyon kahit na maaga rin ang oras ng kanilang pagpasok.
Hilig kong silipin ang maliit na bulaklak sa hardin na ito. Bukod sa nag-iisa, litaw ang kulay nito sa mga luntiang halaman. Lalo rin itong tumitingkad sa ilalim ng liwanag, kaya madali itong mahagilap ng paningin tuwing nadadaanan ang hardin.
#26
Bea Bianca S. Rivero.
Bachelor of Arts in Journalism 2-1D
Subject: Digital Imaging
Palayok
TRADISYON SA RUILOBA. Bakas ang tawanan at pananabik sa mga kabataan habang maiging naghanda na mapasama sa larong palayok sa isang kalye ng Ruiloba nitong Mayo 17. Naganap ang tradisyunal na palaro na ngayong tao ay umabot na sa tanghaling tapat, alas-12:00 hanggang ala-1:00 ng hapon, sa ilalim ng mataas na araw at medyo maulap na panahon. Bahagi ito ng mga palarong inihain ng barangay para sa kanilang kapistahan, kung saan ginagawang huling laro ang palayok upang mas mapasigla ang pagdiriwang ng mga bata.
#27
Mga Ngiting Dumaraan sa Plaza
Kuha ni Rhia P. Alasio
Tuwing Linggo, kasabay ng dagsa ng mga tao sa plaza at sa tapat ng Antipolo Cathedral, pumupwesto si Andrew, 29, upang magbenta ng mga character balloon at laruang pambata. Ayon sa kaniya, mas maraming batang dumaraan kasama ang kanilang pamilya matapos magsimba, dahilan upang dito niya piliing pumuwesto.
Bukod sa mga lobo at laruan, nagbebenta rin siya ng sampaguita at rosaryo sa ibang araw bilang dagdag na pagkakakitaan. Para kay Andrew, sapat naman ang kinikita upang masuportahan ang kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ngunit higit sa kita, natutuwa rin siya sa simpleng pakikisalamuha sa mga batang dumaraan sa plaza. Sa bawat lobong nahahawakan at laruang nabibili, nagiging bahagi siya ng maliliit na sandaling nagbibigay-kulay sa karaniwang araw ng mga pamilyang nagsisimba.
#28
PORCIONCULA, Earies John M.
BAJ 2-1N
JOUR 205: Digital Imaging w/ Laboratory
Gawain Bilang #4: Tatlong Saligang Larawan (Three Basic Shots - TBS) sa Pelikula
Padyak
Kuha ni Earies John Porcioncula
Mayo 18, 2026
Habang naghihintay ng pasahero, nakikinig muna ng musika gamit ang kaniyang cellphone si Bartolome Amparo, 56 na taong gulang, na sampung taon nang namamasada ng pedicab sa kalye ng Pureza. Ayon sa kaniya, nagpapatugtog na lamang siya sa tuwing nasa pila pa upang hindi antukin.
Nang tanungin naman kung bakit patuloy pa rin siyang pumapadyak sa kabila ng pagkakaroon ng mga pumapasada ring tricycle, sinabi ni Tatay Bartolome na mas nauna sila sa mga ito. Kailangan din umanong magpatuloy sa trabaho upang matustusan nila ng kaniyang asawa ang pang-araw-araw na pangangailangan at mabayaran ang kanilang mga utang.
Sa kabila ng matinding init ng panahon na kamakailan lamang ay sinusundan na rin ng pag-ulan, ipinipila ni Tatay Bartolome ang kaniyang pedicab at pumapadyak sa kahabaan ng Pureza at karatig kalye nito mula alas-7 ng umaga hanggang 9:30 ng gabi.
#29
GAWAIN #4: TATLONG SALIGANG LARAWAN (THREE BASIC SHOTS - TBS) SA PELIKULA
Title: Mga Alaalang Dala-Dala Hanggang sa Paglaki.
Ni: Clarissa Jasmine C. Dela Cruz | BAJ 2-1N
Saksi ang bahay namin sa paglaki ng aking pamilya, at ang mga munting larawan naka palibot sa aming sala ang puweba nito. Nagdaan man ang panahon, hindi madali makalimot ng mga alaalang nabuo kasama ang aking pamilya dahil sa mga larawang nasa amin paligid. Mga larawan nung munting musmos pa kami ng ate ko, hanggang sa pag-apak namin sa hustong-gulang.
Marami pa kaming mga larawang nakatago, ngunit katulad lamang sa mga naka-display sa sala, mahahalaga pa rin ito. Laking tuwa ko na dahil sa simpleng “click” ng kamera, mapa-digital o physical na anyo man, ay magagawa namin mabalik-balikan ang mga magagandang alaala ng nakaraan.
#30
Agua de Mayo
ni Janelle Vinluan
May paniniwala ang mga Pilipino na may kakaibang dala ang mga unang ulan ng Mayo. Tinatawag itong Agua de Mayo o “waters of May,” isang paniniwalang nagsasabing ang mga unang ulan na ito ay may dalang pagpapala at ginhawa. Ginagamit din ito bilang isang ekspresyon para ilarawan ang isang bagay na dumarating sa tamang panahon, eksakto kung kailan ito pinakakailangan.
Noong Linggo ng hapon, ika-17 ng Mayo, dumating na ang ulan na dito sa lugar namin. Marahil unang nakararamdam ng mga patak ang mga halamang matagal nang babad sa araw. Ang mga dahong ilang linggo nang lanta sa init ay unti-unting naging matingkad na berde muli at nabalot ng mga patak na mistulang kumikislap. Hindi nagtagal, lumakas at lumawak ang buhos ng ulan hanggang sa tuluyang mabasa ang mga puno, bubong, kalsada, at buong kapitbahayan na ilang linggo na ring nagtiis sa alinsangan.
Nitong mga nakaraang linggo, sunod-sunod ang naitalang mataas na heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Halos hindi na matiis ng karamihan ang init dahil sa tindi nito. Kaya nang dumating ang unang ulan ng Mayo, madaling maintindihan kung bakit naging bahagi ito ng paniniwala ng marami. Hindi dahil may “magic” ang ulan, kundi dahil dumating ito sa eksaktong panahong nag-aasam ang lahat nang kaunting ginhawa.
#31
Likha ni Yvonne Gacillos
Umaga, tanghali, gabi, o kahit sa pinakamalalim na oras bago magbukang-liwayway, may isang sulok sa bayan ng Bulacan na laging gising para sa lahat.
Ito ay ang Lugaw Pilipinas. Para sa iba, ang lugaw ay simpleng kanin lamang na binabad sa tubig at hinaluan ng asin. Ngunit, para sa aming mga residente ng tahimik at munting baryo, ito ay isang tanggapan ng pagkalinga. Habang natutulog ang mundo, buhay ang sulok na ito para sa mga kumakalam ang sikmura.
Hinding-hindi ko malilimutan noong minsan akong nagkasakit nang madaling araw. Sa kabila ng oras, may mainit na sabaw na naihain ang nanay ko para sa akin. At iyon ay dahil sa lugawang ito na walang pinipiling oras para magsilbi.
Hindi tulad sa Maynila na buhay na buhay ang gabi, kakaunti lamang ang may kakayahang magbukas ng 24-oras dito sa amin. Kaya ang munting lugawang ito ay hindi lang simpleng bilihan ng kanin, naging takbuhan ito ng marami.
#32








