Anne Margareth Dela Merced
BAJ 2-1N
Digital Imaging
Activity 3
Tapik ng Takipsilim
Isa ako sa mga taong mahilig kumuha ng litrato sa tuwing golden hour. Bukod kasi sa nakamamangha ang imprinta nito sa mga ulap at pagdampi nito sa kalupaan, maraming taglay na pagpapakahulugan ang sinisimbolo ng paglubog ng araw sa buhay. Sa akin, isa itong tapik para sa nagdaang araw, na para bang inaaliw ka nito. Ang ginhawang naibibigay nito sa atin ay mahalaga anuman ang personal na dulot nito—tanawin man ito nang may kasama o mag-isa.
Noong una, 'kala ko’y magiging madali ang pagkuha ng litrato dahil nakatira ako sa mataas na lugar, sa bayan ng Antipolo, kung saan tampok ang overlooking places at tanaw ang magic hour at golden hour. Kahit din naman sa aming bahay, makikita saan man ang paglalaro ng kulay sa kalangitan. Gayunpaman, sinabayan ng masamang panahon ang ilang araw kong paghihintay sa golden hour kaya nahirapan ako makahanap ng tamang tyempo.
Sa dalawang araw na pagiging sawi sa aking bayan, naisipan kong pumunta sa ibang lugar tulad ng Cubao at Recto (sinulit ko rin ang libreng sakay sa LRT noong Mayo 1), subalit sawi rin akong makatagpo ng magandang pagkuhanan ng litrato roon. Aaminin kong nalungkot ako noong mga panahong iyon kasi akala ko magkakaroon na ako ng ipapasang litrato ngunit hindi pala. Pauwi sa Antipolo, saktong maganda ang panahon pabalik at na-spot-an ko itong malapit na mall sa amin. Doon ko na kinuha ang oportunidad na pitikan ito kahit hindi ito ang pinlano kong pagkuhanan ng litrato.
Sa pagmamadali na baka lumubog na ang araw, pumitik lang ako ng kung ano, naghanap ng mga tao at nauwi sa tambayan sa labas ng mall. Nakita ko rin ang mga ibon sa tapat ng terrace, natuwa ako sa mga ito kaya kinuhanan ko rin. Wala sa mga ito ang mga nais ko sanang kuhanan. Dala lang sila ng kagustuhan ko noong mga panahong iyon dahil hindi rin talaga ako makahanap ng maayos na subject kaya sabi ko sa sarili ko, mga pang-post lang ito sa story sa Instagram. Sumubok pa rin ako nang mga sumunod na araw, gayon lang ay wala akong napala dahil makulimlim pa rin, kaya nauwi pa rin ako sa mga litratong ito.
Natuklasan ko sa aking karanasan na ang pagkuha ng litrato ay mahirap kung hindi umaayon ang panahon. Kailangan talaga ng sapat na repleksyon ng liwanag at pag-alam kung saan ang magandang anggulo ng pagtama nito. Bukod rito, natuklasan ko rin na hindi kinakailangan ng komplikadong subject dahil may natatanging kwento rin naman ang mga simpleng bagay. Katulad ng sarili nating pagpapakahulugan sa ganda ng paglubog ng araw, nasa sa ating perspektibo rin kung paano natin maa-appreciate ang bawat larawan.