Tanáwin sa Durungáwan
Windows Project by members of Digital Imaging (in Journalism) BAJ 2-2N
Pari-sa-pari: Tanawin sa Durungawan
Katulad ng kuwento sa loob ng kuwento, o kaya ng dula sa loob ng dula, ang pari-sa-pari ay parisukat sa loob ng parihaba.
Sa loob ng parihaba ay may isa pang kuwadro. Ikuwadro ang kuwadro. Ipaloob ang isa pang larawan sa loob ng kuwadro. Ito ang konsepto ng pari-sa-pari sa larawanismo.
Samantalahin o pagyamanin kung ano man ang nariyang sangkap; gamitin ito sa pagbuo ng larawan. Isama ito sa komposisyon. Huwag tingnan na sagabal ang mga ito. Bagkus, ituring silang mahalagang elemento ng paglikha.
Larawanismo 101: Pari-sa-pari / Frame within a frame
Like a film within a film, or a story within a story, there is a square or another rectangle within the frame. Inside the rectangle there are other frames. A frame within frame. Create another image within the bigger image This is the concept of pari-sa-pari in larawanismo.
Take advantage or nurture the given elements; use it to your advantage. Integrate them into the composition. Don’t look at them as a hindrance. Rather, consider them as integral elements of photography.
©larawanismo/reyventura
Mga Pagninilay
#1
ni ZACARIAS, Sheila Mae D. BAJ 2-2N
Sa paggawa ng Gawain #4 “Tanawin sa Durungawan,” aking natuklasan na katulad din ito ng pagluluto ng isang ulam sa mga panahong kinakailangan mong magtipid. Minsan, hindi kailangan ng mga mamahaling sangkap o sahog upang ang isang ulam ay maituring na masarap. Bagkus, kung ikaw ay nagtitipid, kailangan mo lamang tumingin sa iyong paligid, maghalungkat sa iyong kusina, o lumabas papunta sa iyong bakuran at samantalahin ang mga nariyan na sangkap na maaaring gamitin upang mailuto ang ulam. Gaya sa paggawa ng gawain na ito, hindi kinakailangan ng pinakamagandang durungawan, pinakamahal na kamera, o pinakamagandang tagpo upang maituring na maganda ang isang tanawin. Minsan, hindi mo aakalaing may makikitang kang ganda sa pinakapayak, pinakamaingay, pinakamagulo, pinakatahimik, o pinaka-ordinaryong mga tagpo sa araw-araw na buhay. Sapagkat ang isang tanawin na maganda ay isang tanawin na tapat, limitado man ang mga detalyeng mayroon ito at ang mga naging paraan sa paglikha nito.
Sa paglikha naman ng isang digital na imahe, aking napagtanto na hindi kailangan ng mamahaling kagamitan upang makalikha ng isang magandang imahe. Basta't alam mo at iyong nauunawaan ang mga wasto at saligang paraan o mga prinsipyo sa pagkuha ng isang digital image, kahit selpon lamang ang gamit mo, luma man o bago at mamahalin man o hindi, makalilikha ka ng isang magandang likha o komposisyon. Ang pagiging limitado sa mga kagamitan ay makakatulong sa iyo na mas maging malikhain, mas maging bukas sa mga bagong ideya at teknik, at kumuha ng mga larawan o bidyo na gamit ang sarili mong estilo at perspektibo. Napagtanto ko rin na sa pagkuha ng digital na larawan, mahalagang magkaroon ng sipag, tiyaga, determinasyon, at mahabang pasensya sapagkat dito nakadepende ang magiging resulta ng iyong larawan. Aking natutunan na ang bawat pagkakamali ay bahagi ng proseso. Hindi lahat ng kuha ay maganda sa una ngunit sa bawat kamalian sa anggulo, timing, o sa setting, mas natututo tayong maging mapanuri at mas maging malikhain. Sa pagkuha ng larawan, natutunan ko ring mas maging mapanuri sa paligid at mas natuto akong huminto at tumingin sa bawat detalye, damdamin, at kahulugan ng bawat sandali.
Sa pagwawakas ng repleksiyon kong ito, babaunin ko ang pinakamahalagang aral na aking natutunan sa asignaturang ito: na ang imahe ay tunay na makapangyarihan at hindi lamang ito para sa estetika. Ito ay may kakayahang mag-kuwento at kumonekta. Sapagkat ang tunay na esensya ng sining ay magpahayag at makipag-ugnayan, at ang bawat sining ay maaaring magtaglay ng isang paninindigan, adbokasiya, at mga ideya para sa lipunan.
#2
by Eugenio, Abel S. BAJ 2-2N Digital Imaging June 24, 2025
A Short Reflection (Isang Maikling Pagninilay):
In doing our Activity 4: “Tanawin sa Durungawan,” I learned a lot, such as that recording video is more difficult than taking pictures. Recording video is more time-consuming, and you need to monitor the screen for minutes (or even hours) and wait patiently for the right scene to unfold in front of the lenses of your camera to record it. Unlike taking a photo, you only need a few seconds to capture it. Your subject is also seen as stationary in the photo, so you can easily show the message or the scene you want to specifically portray in the photograph. On the other hand, in video, the scenes are moving, and you cannot control them to act the way you want (unless you are shooting with actors). However, I also understand that both taking a picture and recording a video can be difficult and easy — both have their own challenges and advantages. In video, you can show the actual movements and how the scene unfolds, while in a picture, you just show the whole scene in a non-moving frame and leave it to the audience’s understanding or imagination to figure out how it will unfold.
Furthermore, our subject in this activity is the view outside our windows. It is an interesting task for me because it only needs a 30-second video, and the subject is simply your outside surroundings. At first, I thought that doing this task would be difficult because, for me, there was nothing interesting in the scenes outside our window. However, I was proven wrong — simple and mundane things in our daily life are really fascinating to look at. It proved to me that everything could be a subject because everything has its own stories. Looking at our works is really calming and nostalgic with the familiarity it shows in our daily lives. I also believe that it also shows a part of ourselves. For example, the techniques we used, the way we propped and angled the camera, the adjustment of colors, the background music we used, etc. It just shows how we see our world with our own perspectives and how we try to show our perceived reality through the lenses of our cameras and encapsulate it into a video.
Overall, in creating digital images, I learned that you only need a camera — any kind of device that can take pictures or videos, regardless of brand, model, or quality — and a mind full of imagination, plus passion and determination. With these, you can create any masterpiece you want. Also, I believe that the first person who should be satisfied or pleased with your output is yourself. It is important for you to know what you want to achieve, what image and message you want to show your audience, and how exactly you want to lay out your vision in your photo or video. The self-satisfaction that comes with it is truly rewarding and, in my opinion, the most fulfilling part of digital imaging.
#3
ISANG MAIKLING PAGNINILAY [A SHORT REFLECTION]
ni Jin Grayce L. Hernandez, BAJ 2-2N
Noong una kong malaman na kailangan naming lumikha ng isang 30-second video gamit ang aming mga natutunan sa buong semestre, ako ay lubusang kinabahan. Akala ko kasi ay kailangang lahat ng three basic shots ay gamitin sa paglikha, kaya naman ang napasa ko ring video ay hindi gaanong angkop.
Sa pagkuha ng video, unang pumasok sa aking isipan ang mga batang naglalaro sa tapat ng aming tahanan. Naalala ko noon na isa ako doon sa mga naglalaro, subalit ngayon ay nilipas na rin ako ng panahon at may mabigat na akong mga responsibilidad. Kaya naman naisipan ko na tila isang representasyon ang video na ang lente ng camera ay tila aking mga mata na siyang binabalot ng pagtanaw sa nakaraan.
Ang nakuha kong aral hindi lamang sa ikaapat na gawain, kundi sa buong semestre, ay isang sining ang pagpitik ng larawan. May angkop na sukat, layo, o lapit. Kahit na simpleng pusa o istruktura ang paksa ay maaring maghatid ng isang mensahe kung ito ay makukuhaan sa paraang kaaya-aya sa mga mata.
Tulad ng mga dating gawain, alam kong may igaganda pa ang aking likha. Matapos ang bawat gawain, mayroon akong puna sa bawat aspeto nito. Siguro ay isa na rin itong malaking tulong sa aking pagdiskubre sa kakayahan kong pumitik ng mga larawan. Kasama ako sa karamihan na walang angkop na mas mainam na device tulad ng camera sa pagpitik ng larawan. Ngunit matapos ang semestre ay tila ginanahan akong muling buhayin ang hilig ko noong ako ay bata pa. Ito ay ang kumuha ng larawan na angkop sa aking tanawin.
Noong nagkuwento ako sa aking tatay na nais kong mag-ipon kahit para sa simpleng digital camera lang, nakuwento niya na mayroon pa kaming camera sa tambakan na baka raw gumagana pa. Agaran niya itong hinanap para sa akin, at bumili na rin ako ng mga kagamitan tulad ng battery charger at memory card. Nakakalungkot lamang dahil napagana ko lang ito matapos ang huling gawain. Subalit alam ko namang magagamit ko pa ito sa mga susunod na proyekto, sa paaralan man o pansariling kasiyahan, bitbit ang mga natutunan ko sa Digital Imaging.
Kung mayroon man akong pinagsisisihan ay hindi ako nakilahok sa mas mataong lugar sa pagpili ng mga paksa. Ngunit tuwing naririnig ko ang mga danas ng aking mga kaklase sa mga talakayan, tila ba ako ay natuto na rin. May kalakip pa rin namang diskubre ang aking mga paksa, sapagkat nalaman kong nais ko palang pumitik ng mga hayop tulad ng pusa at aso pati na ng mga makukulay na tanawin tulad ng aking mga display sa kwarto.
Mapa-sining man o isang instrumento sa pamamahayag, malaking tulong ang pagpitik ng larawan sa pagpinta ng danas sa mata ng bawat isa. Mahalaga na kahit planado na ang pipitikang larawan ay handa pa rin sa mga pangyayaring babago sa paksang unang ninais. Isa ang mga asignaturang Digital Imaging sa pinakamasayang danas ko sa buhay kolehiyo, kung saan ang mga gawain ay higit pa sa katumbas nitong grado.
#4
ni Mark Nelson B. Motil Bachelor of Arts in Journalism 2-2N
Isang Maikling Pagninilay
Aking natuklasan na hindi hadlang ang limitadong espasyo sa pagkuha ng litrato o bidyo sapagkat kailangan lamang ay ang pagkamalikhain at diskarte. Sa panahon na ibinigay ito, isa sa mga naging hadlang ay ang pabugso-bugsong ulan lalo na sa hapon na kung saan maganda ang sikat ng araw dahil sa golden hour. Kaya naman noong aking nasaktuhan na hindi makulimlim, aking kinuha agad ang camera at kinuhanan agad ng bidyo kung ano man ang makikita sa durungawan ng aming pinto. Buti na lamang ay naglalaro ang mga bata at sinusulit ang panandaliang sikat ng araw. Akin din natuklasan sa gawain na ito ang kapayaan na mayroon ang isang lugar. Masaya ako na gawin ito sapagkat pinaalala nito sa akin na maaaring magdahan-dahan sa buhay at hindi dapat ito minamadali, dahil anuman ang mangyari ikaw ay makakarating pa rin sa iyong paroroonan kung gugustuhin.
Sa panglahatan na gawain ng kursong ito, aking napagtanto na hindi nawala ang aking hilig sa pagkuha ng litrato sadyang ito ay tinigil ko na lamang dati dahil sa bigat ng buhay. Ngayon, akin muling nadiskubre ang aking kaligayahan sa pagkuha ng mga imahe kahit na kinailangan ko ulit aralin at hasain ang aking sarili sa gawaing ito. Sa buong kursong ito, aking nakita na mahalaga ang pantay na exposure ng mga larawan, at higit sa lahat mahalaga ang magkaroon ng kwento sa bawat pitik ng camera. Akin ding natuklasan na lahat ng bagay ay may kwento, dito ako natuto na makipagkwentuhan sa mga taong aking nakukuhanan ng litrato. Sa paraang ito, aking nalalaman ang kanilang istorya na maaari kong gamitin upang ipamalas ang kanilang buhay. Tinuruan ako ng kursong ito na buksan ang aking mga mata at palawakin ang aking mga nakikita. Binigyan ako nito ng pagkakataon na libutin ang aking galing sa pagkuha ng litrato nang sagayon ito ay aking mahubog sa sarili kong panahon.
Sa paglalahat, ako ay taus-pusong nagpapasalamat sa kursong ito dahil ibinalik nito ang alab sa aking puso at nagbigay sa akin ng katatagan na manumbalik sa pagiging retratista. Akin ding natuklasan ang iba’t ibang bagay na aking magagamit upang hubugin ang aking karunungan sa gawaing ito. Bagama’t maraming mga balakid sa bawat gawain, ito ay aking hinarap at ginawan nang paraan. Lubos ang aking kasiyahan sa kursong ito at sa bawat gawain na ibinigay dahil ito ay naging daan upang makasama ko ang aking mga kaibigan at sabay matuklasan ang mga aral sa lansangan, gayundin ang mga istorya ng mga tao na aming nakakasalamuha.
#5
Isang Maikling Pagninilay [A Short Reflection]
Ni Christine Clare D. Sevilla, BAJ 2-2N
Sa paggawa ko ng "Tanawin sa Durungawan", aminado ako na nahirapan ako sa paghahanap ng subject na mayroong nangyayari. Ilang beses akong nagmasid at nag-abang sa paligid, umaasang may makunan akong eksenang kapansin-pansin. Sa pagsusuri na ng mga video na aking nakunan, napansin kong may simpleng kilos pala sa paligid. Ito ay ang paggalaw ng mga dahon ng puno sa ilalim ng malakas na hangin at paambon. Ang itsura nito ay parang sumasayaw ang mga dahon na banayad ngunit may ritmo na parang nakikisabay ito sa ihip ng hangin.
Doon ko napagtanto na kahit hindi malaki ang nangyayari sa video at simple lamang, may kwento pa ring maaaring mabuo sa isang eksena. Ang inaabangan ko lang talaga noon ay kahit dumadaan na tao nalang o kaya ay sasakyan. Kaya naman sa karanasang ito, natutunan ko na hindi palaging ang mga planado o inaasahang kuha ang siyang pinaka-kapaki-pakinabang. Minsan, ang mga hindi pa sinasadyang pangyayari ay may sariling ganda at saysay. Ang mahalaga ay bukas ang mata at puso natin sa mga simpleng detalye ng paligid. Kinakailangan lang natin na maging mapagmasid at bukas sa posibilidad.
Mula sa gawaing ito at sa kabuuan ng mga aralin sa paglikha ng digital image, mas naunawaan ko na makapangyarihan ang bawat larawan. Hindi lamang ito simpleng imahe, kundi isang kasangkapan ng pagkukuwento. Bukod pa rito, mahalaga rin na maging mapanuri tayo hindi lang sa subject na itatampok natin, ngunit pati sa anggulo na ating pipitikan. Minsan kasi, sa pagbabago ng perspektibo o posisyon ay mas nagiging malinaw ang mensahe ng larawan. Hindi rin sapat na basta basta ay may makuhanan lang, dapat ay mayroong rin tayong intensyon sa bawat kuha para maipakita natin ang kwentong nais nating iparating sa iba. Isa rin ito sa natutunan ko base sa mga kumento ng guro sa mga ginawang aktibidad ng bawat isa.
Bukod sa sarili kong karanasan, natuto rin ako mula sa mga ibinahaging karanasan, danas, at tuklas ng aking mga kaklase, na talaga rin namang nagbigay ng kanya kanyang effort sa paglalahad ng magandang larawan na may maganda ring kwento at kahulugan.
Isa pa sa tumatak sa akin ay ang sinabi ni Sir Rey noong araw na nile-lektura ang tungkol sa golden hour at magic hour. Aniya, kahit anong gamit pa ang mayroon ka, kahit cellphone lang, kung maganda ang liwanag at desidido kang kumuha, tiyak na maganda rin ang kakalabasan. Dito ko nakita ang tunay na halaga ng timing, ilaw, at dedikasyon sa bawat kuha. Naging mahalaga rin sa akin ang mga teknik na napag-aralan tulad ng rule of thirds, ang three basic shots, at ang kahalagahan ng maikling pelikula. Lahat ng ito ay nagturo sa akin kung paano hindi lamang basta kumuha ng litrato, kundi kung paano magkwento sa pamamagitan ng imahe.
Sa huli, natutunan ko na ang bawat pitik ay may kwento.
#6
ni Morales, Earl Joshua M. BAJ 2-2N
Ang Tindahan ni Mama Lilian: Isang Pagninilay
Sa likod ng bawat larawan o bidyo, may kwento tayong nais iparating—isang damdamin, alaala, o pananaw na naghihintay lamang mailarawan. Sa bawat segundo ng bidyo, dapat na maramdaman ang sinseridad ng ating mensahe. Kaya’t sa paggawa ng “Tanawin sa Durungawan,” hindi naging madali ang hamon—hindi dahil sa larangang teknikal, kundi sa kung paano maipapalitaw ang kwento sa loob lamang ng 30 segundo.
Marami kang dapat isaalang-alang: ang panahon, ang kulay, ang tauhan, at higit sa lahat, ang anggulo ng lente. Kadalasan, hindi lahat ng ideyang nalilikha sa isipan ay kasya sa maliit na espasyong iyon ng kamera. Kaya kailangang mag-isip sa labas ng kahon, kung paano magkuwento gamit ang mga gumagalaw na larawan.
Sa aking sariling karanasan, naging mabilis ang paghanap sa lugar kung saan ko nais gawin ang bidyo: ang bintana sa ibaba ng aming bahay. Ito ay dating tindahan ng aking Tita Lilian, isang durungawang naging saksi sa aming buhay sa loob ng tatlong dekada. Nakita nito ang aming mga paghihirap, sakripisyo, kasiyahan, at iba't ibang uri ng damdaming hindi kayang ilarawan sa salita.
Parang naghanay ang mga bituin noong araw na kinunan ko ang tanawin—maambon, makulimlim, rinig ang tilaok ng manok, at dama ang pangungulila sa nakaraan. Hindi na kinailangan ng magarbong edit, dahil ang mismong tanawin na ang sumisigaw ng kwento.
Balewala ang ganda ng anggulo kung hindi maiintindihan ng manonood ang diwa ng kwento. Hindi sa pagbubuhat ng bangko, pero nagustuhan ko kung paanong nagtugma ang lahat sa aking maikling bidyo, malamig ang paligid ngunit nagbabaga ang damdamin; matahimik ngunit may kirot ng alaala. Ganyan ko mailalarawan ang buhay sa lente ng durungawan ni Tita Lilian.
At gaya ng bintana—mananatili akong matatag, umaraw man o umulan.
#7
ni Reyzel Mae C. Billocog
“There is always something to appreciate if you just take time to notice it.”
Huling araw na ng pasahan nang simulan ko ang nakatakdang gawain namin sa Digital Imaging. Sa daming clip ng bidyo na kuha ko, tila ba’y hindi pa rin ako nasisiyahan. Hindi ko makuha ang gusto kong anggulo mula sa aming bintana. Sinubukan ko sa ibang parte ng aming bahay na may bintana, ngunit bigo pa rin ako. Napagtanto ko nalang na kausap ko na ang sarili ko at tinatanong na “Ano ba ang pwedeng makita na kapansin-pansin sa sa bidyo sa loob lamang ng kalahating minuto?” Kumuha ulit ako ng sandamakmak na larawan sa iba’t-ibang anggulo hanggang sa napukaw na ang aking pansin at damdamin sa mga kuha.
Una, napansin ko na may kakaibang kapangyarihan pala ang pag-framing. Ang durungawan mismo ang nagsilbing natural na frame sa larawan ko. Nang ma-rebyu ko na ang larawan, napansin ko ang ilang mga ibon na nagliliparan, ulap na tahimik ang pag-usad, at ang araw na unti-unting sumisikat. Dito ko naunawaan sa sarili ko na ang pagkuha ng isang digital image ay hindi lamang basta pag-rekord ng nakikita, kundi kung “ANO” sa nakikita ang karapat-dapat bigyang-pansin at ipreserba.
Pangalawa, habang pinapanood ko ang napili kong kuha, nakita ko ang mga iba pang detalye na hindi ko agad napansin habang kumukuha— ang katahimikan ng aming lugar, ang malamig na simoy ng hangin, matatayog na gusali, at maging ang mga sampay na damit ng aming kapitbahay. Napagtanto ko na ang pagbabalik-tanaw at pagsuri ng kuha ay nagpapabuhay sa katotohanang maraming magandang kaganapan ang nangyayari sa ating paligid na madalas ay hindi natin napapansin dahil sa bilis na takbo ng buhay. At ang digital image lamang ang nagsisilbing ‘time machine’ natin upang muling pagmasdan ang mga bagay na hindi na mauulit o mababalikan.
Sa huli, ang kahalagahan sa gawain namin na ito ay nagpapaliwanag ng isang mahalagang bagay sa akin. Napagtanto ko na ang pagpapahalaga ng isang bagay ay nangangailangan ng atensyon, dahil hindi ito kusang lalapit sa atin o darating. Kailangan lang nating huminto, tumingin, magmasid at piliing makita ang mga karaniwan ngunit kahanga-hanga sa paligid. There is always something to appreciate— sa pagbabago ng ritmo ng buhay at galaw ng kalikasan sa labas ng ating kani-kaniyang mga tahanan— if you just take time to notice it. Ang ating mga bintana ay hindi lamang isang durungawan patungo sa labas, kundi isang bintana na magtuturo sa atin na maunawaan ang malalim na pagpapahalaga sa karaniwan at pamilyar na paligid araw-araw.
#8
ni Ysabella Franchesca Paches BAJ 2-2N
Pagninilay sa Tanawin sa Durungawan
Sa aming kwarto, kakaiba ang aming telebisyon. Iisa lang ang istasyon, hindi napuputol ang mga palabas, hindi mo maa-adjust ang lakas o maililipat sa ibang istasyon kung kailan mo gusto. Sa telebisyong ito, siya mismo ang magpapasya sa kung ano ang iyong mapapanood. Ang tanging gagawin mo na lang ay panoorin ang mga tagpo rito.
Ang telebisyong ito ay hindi mo makikita sa kahit saang appliance section ng mga mall. Subalit, halos lahat ng mga bahay ay mayroong ganto. Siya ang aming durungawan.
Noong ibinigay sa’min ang gawaing “Tanawin sa Durungawan,” nahirapan akong umisip sa kung ano ang makukuhanan ko sa aming bintana. Wika ko sa aking sarili, wala namang interesableng bagay sa amin na makukunan ng video— at malaking pagkakamali iyon.
Marami ang nangyayari sa aming kapitbahayan na pwede kong kuhanan: mga lasing na naga-away, mga batang naglalaro, ang paglipad ng mga saranggola’t kalapati, mga kababaihang nagchichismisan, at marami pang iba. Hindi totoong walang interesableng bagay ang makikita sa’ming bintana, sadyang tine-take for granted ko lang ito kadalasan.
Ayon ang aking napagtanto sa gawain naming ito, na walang bagay na “hindi interesable.” Maaari, para sa atin, sawa na tayo sa tanawing nakikita natin sa ating durungawan araw-araw, ngunit para sa iba ay bago ito’t nakadagdag sa kanilang kaalaman. Lahat ng kwento, gaano man ito ka-importante sa atin o hindi, ay mahalaga pa rin.
Bilang isang mamamahayag, kailangan nating hasain ang ating pagpapahalaga sa lahat ng nangayayari sa ating paligid. Dahil kung hindi na natin kayang makita ang kagandahan o karukhaan ng ating pamayanan mula sa tanawin ng ating durungawan, paano pa kapag tayo ay lumabas na ating tahanan at lumandas na sa iba’t ibang destinasyon?
#9
ISANG MAIKLING PAGNINILAY
Ni Gabrielle R. Cruz, BAJ 2-2N
Sa paggawa ng “Tanawin sa Durungawan,” isang bagay ang tumimo sa aking isipan—ang kahalagahan ng pagninilay sa mga simpleng bagay sa ating paligid. Sa panahon ngayon na puno ng ingay at pagmamadali, madalas ay hindi na natin nabibigyan ng halaga ang katahimikan at ang kapayapaan ng mga simpleng tanawin. Ang tanawin sa labas ng bintana, bagamat tila ordinaryo o karaniwan sa unang tingin, ay naging paalala ng katahimikan, galaw, at buhay na patuloy na umiiral kahit hindi natin ito madalas mapansin. Ang marahang paggalaw ng hangin, ang mga ulap na dumadaan, at ang liwanag ng araw na sumisilip ay mga paalala ng kabighanihan ng mundo sa labas ng ating mga sarili. Binigyan ako nito ng pagkakataong huminga at tanawin ang mundo sa simple at tahimik na paraan.
Sa buong semestre ng paglikha ng digital image tulad ng video na ito, napagtanto ko na may kapangyarihan ang sining upang bumalik tayo sa kasalukuyan—upang huminto kahit saglit, at damhin ang kapaligiran. Natutuhan kong bukod sa mga teknikal na paggawa ng mga digital image, mas importanteng makuha ko ang emosyon at istoryang nakalakip sa likod nito, hindi sapat na alam lamang natin ang teknikal na aspeto gaya ng framing, lighting, at angle. Higit pa rito, mahalaga ang layunin—ano ang nais mong iparating? Ano ang naramdaman mo sa tagpong iyon, at paano mo ito maisasalin sa imahe? Ang intensyon ng lumikha ay kasing halaga ng nilalaman mismo. Ang pagkuha ng isang tanawin o kahit na anong imahe na may puntong ilabas ang diwa nito sa bawat kuha ay tila pag-anyaya sa sarili na magnilay, maging mapagmasid, at muling maikonekta ang ating sarili sa mundo. Kaya't ang isang simpleng kuha ay maaaring magdala ng saya, lungkot, o pag-asa, depende sa konteksto at pagtanaw.
Ang madadala ko sa bawat gawaing aming napagdaanan sa digital imaging ay ang pagiging tapat sa sarili bilang tagalikha, na ang imahe ay hindi kailangang engrande o puno ng espesyal na epekto upang maging makabuluhan. Minsan, ang payak na tanawin ay sapat na upang magsilbing salamin ng ating mga damdamin. Napagtanto ko rin na mahalaga ang pagiging bukas sa mga posibilidad—na sa simpleng bintana, makakakita tayo ng daan patungo sa mas malawak na pag-unawa sa mundo at sa sarili.
#10