Tahanan sa Morayta
Dokyumentaryo ni Danielle C. Barredo, BAJ 3-2N
Tahanan sa Morayta
Maglakad-lakad man nang kaunti ay hindi makakakita ng kahit anong bahay sa tapat ng Far Eastern University (FEU) sa Morayta, Manila. Ilingon-lingon man ang ulo at pilitin mang tumingkayad mahanap ang tahanang tinutukoy ay wala kang matatagpuan. Paano, mukhang nasanay kang ang tahanan ay may pinto, bintana at mga matatayog na pader. Baka iyong nalimutan, na sa napakaraming beses na ikaw ay umuwi, hindi mo maramdaman na ika’y nasa iyong tahanan na.
Walang bubong, walang pinto at lalong walang malalaking pader upang ang nilalaman sa loob ay matakpan. Dinadaan-daanan at nilalampas-lampasan. Sa gilid ng kalsada, naninirahan sina Mang Ronaldo Leba at ang kaniyang “pamilya”. Ang isa’y katipan, samantalang ang dalawa naman ay hindi mula sa dugo’t laman, kung hindi, para sa kanila ay biyaya ng Maykapal. Ang dalawang ito ay walang iba kung hindi ang kaniyang mga kinupkop na asong kalye o hindi naman kaya ay mas kilala sa tawag na “askal”, sina Sophia at Andrew.
Nang mapakanayam ko si Mang Ronaldo, bakas sa kaniyang mga mata ang pagmamahal sa pagkupkop sa mga asong kalye. Bagama't kaunti lamang ang aking mga tanong, marami siyang naibahagi na nagpamangha sa akin. Aral na matututunan ko lamang sa perspektibo ng umiibig bagama't salat.
Sa totoo lang, nang maging pinal ang pokus ng aking gagawing dokyumentaryo ay bahagya akong kinabahan dahil hindi ko alam kung may matatagpuan ba akong nanlilimos na nag-aalaga ng aso. Praktikal na ang mga tao ngayon. Suntok sa buwan na may magmamagandang loob pa sa mga hayop sa lansangan kung sila mismo ay naghihikahos.
Pangamba ko ay wala akong matagpuan. Sarili muna bago ang iba. 'Yan na ang kaisipan ng nakararami ngayon. Subalit, mayroon pa palang handang umibig bagama't hindi tiyak ang buhay. Sa aking pakikipag-usap sa kanila, wala akong ibang naramdaman kung hindi pagkamangha dahil mayroon pa ring may mabuting puso na handang magbukas ng kanilang tahanan upang magpapasok ng bagong kapamilya.
Ngunit, anong pintuan ang bubuksan? Wala naman silang tahanan. Sila ay naninirahan sa lansangan. Doon ay aking napagtanto na habang pinoproblema ko ang susunod na linggo, buwan at mga taon, problema nila ang makakain lamang sa araw na iyon. Ang mabuhay at makatawid sa kinabukasan.
Panalangin ko, sila naman ang ipanalo ng Diyos. Sana, sa mga susunod na linggo ay ipagpalain ang kanilang mga puso. Maraming mayroong pera ngunit hindi naman marunong magmahal nang hindi inaalintana ang lahi ng kanilang pwedeng alagaan. Aanhin pa nila ang pinto ng kanilang mga tahanan, kung hindi naman nila maggawang pagbuksan at kupkupin nang pansamantala ang mga hayop sa lansangan?
Ito ang ikalawang dokyumentaryong aking ginawa sa pag-aaral ko ng kursong ito. Hanggang ngayon, mahirap pa rin ang kumalas sa mga sana. Sana ay may maggawa ako upang makatulong. Sana ay mayroong magbigay sa kanila ng permanenteng hanap-buhay. Sana ay magkaroon na sila ng matutuluyan na sa kanila na lang talaga kasama ang kanilang mga alaga.
Bilang isang Animal Welfare Advocate, doon ko napagtantong hindi dapat ipinagkakait sa mga maralita ang mag-alaga ng mga hayop na madalas ay inaabanduna ng iba. Sa dami ng "stray animals", kulang pa ang pinagsama-samang mabubuting puso upang mabigyan ang lahat ng tahanan ang mag-aalaga na hindi sila sasaktan.
Sana ay mapalakas pa ang libreng veterinary services sa bawat lokal na pamahalaan para hindi na mahal ang magmahal. Para ang pagnanais na umibig ay abot-kaya at hindi na mapagkait. Maraming mabubuting pet owners ngunit walang kakayahan magpaggamot sa veterinarian kaya madalas ay umaasa sila sa Medical Quackery o di naman kaya ay mga sabi-sabing gamot na nakakagaling at mura.
Subalit, hindi rin naman sila masisisi kung sila ay aasa sa kahit anong paraan upang mapagaling ang kanilang mga alaga. Saan ka ba nakita ng nagmamahal na hindi nagiging desperado mapaayos lang ang kalagayan ng kanilang minamahal? Kahit ano, at kahit saan pa matatagpuan ang lunas, 'wag lamang lumisan ang kanilang alaga ay tiyak na gagawin nila ang lahat, mapahaba lamang ang buhay ng kanilang mga alaga.
Tahanan sa Morayta, walang pinto, walang pader at walang bubong. Dahil ang tahanan ay hindi ang inuuwian, kung hindi ang mismong mga taong uuwian. Sa piling nina Mang Ronaldo, nakahanap ng mapagkalingang tahanan sina Sophia at Andrew. Tahanang tiyak ko, ay ang buong nobela sa kwento nina Sophia at Andrew, bagama't sila ay kabanata lamang sa buhay ng kanilang mga amo.
Ang totoong tahanan pala, Danielle, ay walang pinto, bubong, at pader. Ang ganda ng iyong tuklas. Ang walang tirahan ay nagpapatira; ang walang tahanan ay nag-aaruga. Ang salat sa yaman ay labis kung magmahal.
Magandang simula ito para sa isang lalong mahabang dokyu. Sana ipagpatuloy mo ang pagbuo ng dokyu na may ganap na haba.