Sa Simbahan, Kabataan ay Pinagyayabong
ni Pexcel John Bacon, BAJ 3-1N
Sa Simbahan, Kabataan ay Pinagyayabong



Isa ang Pilipinas sa may pinakamaraming populasyon ng katolisismo sa buong mundo. At ang maigting na paniniwala natin ay kitang kita rin sa ating kultura. Ngunit, sa panahon ngayon na kung saan laganap ang teknolohiya at modernisasyon, paano kayang napapanatili ng kabataang katoliko ang kanilang paniniwala at patuloy na pagseserbisyo sa simbahang kanilang pinaglilingkuran? Sa kabila ng mga bagong bagay na maaring pagkaabalahan nila, paano kaya nila napipili pa ring manatili sa loob ng simbahan at patuloy na maglingkod sa Panginoon?
Sa simbahang aking pinaglilingkuran, nakilala ko ang isa sa mga kabataang matagal ng naglilingkod sa Panginoon, Si Marvin Alegre, 22 taong gulang, at labing tatlong taon nang naglilingkod sa simbahan ng Our Lady of Lourdes Parish sa Camarin, Caloocan City. Taong 2010 ng sya'y maimbitahan ng kanyang kababata na maglingkod bilang mang-aawit sa isang kora sa simbahan.
"Yung kababata ko kasi, sakristan 'sya sa Lourdes tapos parang narinig nya parang maganda boses ko, parang may potensyal akong magchoir. So sabi nya try kong sumali sa Munting Tinig Choir (MTC) tapos isang sabado, umattend ako ng practice nila hanggang sa magsunod sunod na" ani nya.


Ang Munting Tinig Choir o MTC ay ang korong tumututok sa mga kabataang mangaawit at ito rin ang unang naging ministry ni Marvin sa Simbahan noong sya'y siyam na taon pa lamang.
Sa loob ng simbahan, maraming ministry ang nangangasiwa sa iba't ibang aspeto ng paglilingkod. Nariyan ang Music Ministry para sa mga Koro at mang-aawit sa simbahan, ang Alter Servers Ministry para sa mga sakristan, at marami pang iba. Kaya kapag ika'y nakasali na sa isang ministry, hindi malayong magkaroon ka rin ng interes na sumali pa sa iba.
Para kay Marvin, ang isa sa naghatak sa kanya upang makisali pa sa ibang kaganapan sa simbahan ay nung nakita nya na masayang sumali sa mga activities ng ibang ministries.
"Masaya sya in a way kasi doon mo masasabi at malalaman na meron ka pa palang ibang talentong maipapakita at doon ka rin talaga makikihalubilo sa ibang taon lalo na sa katulad ko rin na kabataan" Ani nya.
Sa loob ng lagpas isang dekada nyang naglilingkod sa simbahan, ang isa sa hindi nya malilimutan ay noong unang beses lumabas ng Scholars (isa sa mga sinalihan nya, Iskolar ng Simbahan) ng simbahan upang makapagtanghal sa Caloocan City Sports Complex.
"Doon naboost yung talent ko upang magturo at magperform. So doon ko nalaman na meron pala akong ganon, meron pala akong skills. Iyon yung isa sa mga highlight na nagbigay samin ng oppurtunity lalo na sa financially" kwento nya.
Sa kasagsagan naman ng sunod sunod na mga acitivity sa simbahan tulad na lamang ng Sportsfest at Youth Camp, doon pa dumating kay Marvin ang isa sa mga hamon sa buhay nya, iyon ay noong maospital ang tatay nya.
"Ako yung nagli-lead ng solicitation noon at ako rin yung hawak nung pera. Ako rin yung nagsasabi kung saan pa pwede makasolicit. Tapos nung mismong Sportsfest week na, doon pa naospital si papa. E ako, gustong gusto ko pa ring makapunta sa simbahan kasi sabi ko sayang naman yung pinagpaguran ko tapos parang sa isang iglap lang nawala yung kagustuhan kong makapunta. Parang napagdamot sa'kin yung panahon na yon" ani nya.
At nagtuloy-tuloy iyon hanggang sa umabot ng Youth Camp kung saan hindi na rin sya tuluyang nakasama dahil iyon na rin ang burol ng kanyang tatay.
"Naghinder siguro sa'kin yon pero yung titigil talaga sa pagseserve hindi ko naramdaman yon nung panahon na 'yon kasi yung willingness, hindi naman nawala sa'kin yon" dagdag nya.
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang Simbahang Katolika ay konserbatibo lalo na sa usaping homosexuality. At si Marvin, bilang isang myembro ng LGBTQIA, hindi ko maiwasang hindi maitanong kung anong karanasan nya bilang isang parte ng komunidad na hindi tinatanggap ng simbahan.
"Dito kasi sa simbahan, kahit sabihin mo na merong mga homophobic, hind sila yung parang (agresibo), may mangilan-ngilan na vocal about don pero hindi sila yung ipaparamdam talaga sayo na di ka welcome. In my perspective ah, hindi ko nafeel sa kanila na parang may awkwardness or something na i-exclude ka sa ganito" ani nya.
Dagdag nya pa, ginagawa pang edge iyon na gamitin ka para makipagcoordinate sa iba't ibang tao at makapagbigay ng mga magagandang ideya.
"Siguro it's a matter of pagtingin sa kung ano man yung pananaw sayo ng ibang tao at kung ano yung ginagawa mo rin towards sa kanila kasi doon ka rin naman nila ija-judge o titignan."
Nitong nakaraang taon lamang, ginanap ang eleksyon para sa Parish Youth Ministry na kung saan nanalo bilang Parish Youth Coordinator si Marvin na kung saan pangangasiwaan nya ang lahat ng aktibidad na kinabibilangan ng mga kabataan tulad na lamang nf Senakulo, at pakikilahok ng mga kabataan sa mga gampanin sa simbahan.
"To be Honest, last year, gusto ko na talagang magdetached. Umalis sa simbahan pero hindi ako aalis sa paglilingkod kumbaga, gusto ko ng ibang environment. At hindi ko rin talaga dine-desire yung pagiging PYC kasi alam kong malaki syang trabaho. Kasi that time, tinatarget na rin talaga nila akong maging PYC. So inisip ko talaga nang inisip yon kasi parang ang hirap kasi napakaraming responsibilities and obligations na kailangan" ani nya.
Sa Panahon ngayon na karamihan sa mga kabataan sa simbahan ay hindi gaano kaaktibo dulot ng nagdaang pandemya, para sa kanya, napakalaking hamon rin kung paano nya ito mapapabalik sa masiglang paglilingkod kaya naman noong sya na ang nanalong PYC tinanggao nya ito bilang isang oportunidad.
"Tinignan ko na lang yung oportunity na baka it's about time na ako naman yung nandito sa pwesto na 'to. So baka may plano si Lord na through me, baka may magawa ako na something big for the church kaya tinanggap ko nalang and yung mga obligations, taos puso kong tinatanggap and be responsible sa kung ano man yung ipapagawa sa'kin" ani nya.
Bago pa man sya nahalal bilang isang PYC, nagsimula nang mahubog ang kanyang leadership skills dahil sa mga aktibidad at programang ginagawa sa Munting Tinig Choir.
"Siguro mga around 14-16 years old kasi sa MTC that time, maganda yung mga program dahil may mga leadership trainings sila. Ang ginagawa sa'min non, talagang minomold kami from logical thinking hanggang sa mismong output kung paano kayo gagalaw, tinuturo talaga sa'min yon kaya baka siguro it's about time na para i-apply ko yung mga natutunan ko before sa pagka-PYC ko. Malaking tulong sya lalo na yung simbahan sa pagshape ng leadership skills ko" sabi nya.
At nang itanong ko sa kanya kung paano nya nagagawa ang lahat ng responsibilidad nya sa simbahan, paaralan, at pamilya, doon na sya tuluyang natawa at nagbiro.
"I need to make time kasi "di ko na alam paano hahatiin yung katawan ko" biro nya.
Nakuwento nya rin na kaya nahirapan syang tanggapin ang posisyon na pagiging PYC ay dahil ngayon sya ay isang graduating student at hindi nya kayang mapagsabay.
"But guess what diba nandito ako ngayon, napapagsabay ko yung lahat ng responsibilidad ko. Siguro ano lang, mind management. Kumbaga kung nasaan ka ngayon, doon ka magfocus at tsaka organize kung ano yung dapat mong gawin at kung magagawa mo na sya ahead of time, gawin mo na para atleast hindi ka matatambakan" payo nya


Napakatagal ng 13 years, at para siguro sa ibang kabataan, ang ganito katagal ay mahirap makamit dahil maaring tamarin sila, o magsawa. Pero para kay Marvin, parte na ng kanyang buhay ang paglilingkod kaya hindi na ito maaalis sa kanya.
"Alam mo ang weird kasi parang naging parte na sya ng permanent routine ko na sa ganitong araw dapat nasa simbahan ako kasi kapag hindi ko nagawa minsan nagkakasakit ako. Kumbaga hindi kumpleto yung isang linggo kung hindi ako makakapagserve tapos tinanong ko rin yung mga ate't kuya sa simbahan 'tas ganon rin daw sila kaya sabi ko ah debosyon ko na talaga to tsaka grabe rin kasi yung personal connection and faith ko kay God" ani nya.
Sa susunod na sampung taon, si Marvin ay 32 years old na, at sabi nya, nakikita nya pa rin naman ang sarili na naglilingkod sa simbahan ngunit, may iba pa syang plano.
"Siguro mid twenties ko, gusto ko muna magfocus sa sarili ko. Sa trabaho ganon pero syempre magsisimba pa rin naman ako nyan hindi nga lang yung tulad ngayon na maraming responsibilities. Kasi syempre aside sa simbahan may personal goals rin ako na gusto ko maachieve pero kapag settle na ko at stable na, babalik at babalik ako sa paglilingkod" ani nya.
Marahil ilan sa atin ay nagtataka kung bakit grabe kung gumugol ng oras ang ilang mga kabataan upang maglingkod sa simbahan. Pero para sa mga tinatawag na youth servants, walang oras na sayang sa paglilingkod. Masaya at nakakapagod ngunit higit sa lahat, napapalapit tayo sa Panginoon at lahat ng pangamba natin sa paaralan at mga personal na pinagdaraan, nawawala kapag masaya tayong naglilingkod sa kanya. Ika nga sa isang verse sa bibliya, tayong mga kabataan ay magsaya at hayaan natin ang puso natin ang magdikta ng ating kasiyahan. At wala nang iba pang mas sasaya para sa mga naglilingkod sa simbahan kundi ang gawin ang bagay na nagpapapasaya sa kanila habang pinupuri ang Panginoon.