Sa Mga Sinulid, Karayom, Tela, at Makina: Nahanap ni Melba ang Saya't Pag-asa
Larawang-sanaysay #6 ni Carreon Milyn G.Carreon Milyn G. BAJ 2-2N
Sa Mga Sinulid, Karayom, Tela, at Makina:
Nahanap ni Melba ang Saya't Pag-asa





Si Melba Pareja ay labing-pitong taong gulang pa lamang nang unang lumuwas sa Maynila upang hanapin ang kanyang kapalaran. Dito rin niya unang natutunan at minahal ang linya ng trabahong pananahi. Hanggang sa kasalukuyan, sa edad na 65, narito pa rin siya sa Maynila, patuloy na nananahi. Araw-araw, pumapasok siya sa pabrika, mula alas-syete ng umaga hanggang alas-nuwebe ng gabi.






Sa loob ng 48 taon na pananahi, hindi na nakapag-asawa si Melba, gayundin hindi na nabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng sariling anak. Ang tanging kasama na lamang niya sa buhay ay ang batang kanyang inampon na siyang pinag-aaral at patuloy na sinusuportahan pinansyal. Sa pananahi, natagpuan ni Melba ang kanyang kasiyahan—mula sa pagbuo ng anumang klaseng damit hanggang sa kanyang mga kasamahan sa trabaho na itinuturing na niyang pamilya. Siya ang pinakamatanda sa kanilang lahat, sa edad at sa karanasan sa pananahi.





Para kay Melba, ang bawat himaymay ng mga tela ay simbolo ng mga piraso ng kanyang buhay. Katulad din ng isang karayom na hindi pa napuputol at mga makinang kanyang ginagamit araw-araw na hindi pa bumibigay, hindi rin titigil si Melba sa pananahi hanggang sa mismong kanyang katawan ang umayaw.
Captions para sa bawat kuha:
Ang arko ng Doña Imelda ang unang nasisilayan ng mga mananahi ng Donato Fernandez pagpasok sa pabrika, gayundin pag uwian na
Sa umaga, ang unang ginagawa ni Melba ay pag-aayos ng mga tela na nakatokang tatahiin
Nagsisimula nitong buksan ang kanyang makina upang malaman kung ito ay may problema o handa na itong gamitin
Sa bahaging ito naman ay ang pagpapalit niya ng mga sinulid at karayom para sa ibang klase naman ng telang tatahiin
Ito naman si Rosita, isa sa kanyang mga katrabaho na nagtitimpla ng kanilang inumin pagsapit ng alas dose ng umaga upang pantawid uhaw sa mainit na panahon
Nagsisimula namang bitbitin ni Edgardo o mas tinatawag nilang “kuyang cutter” ang mga tela na kanyang gugupitin at kokortehan upang iaabot na lamang sa mga mananahi pagkatapos
Ito na ang bahagi na kung saan nakangiting ginugupit ni “kuyang cutter” ang mga nakalinyang tela para sa kanilang mga susunod na operasyon o gawa
Pagsapit ng ala una ay nagtitimpla na ng kape si Melba na palatandaan ding maari na silang kumain ng pananghalian at magpahinga
Ito ang araw-araw na postura ni Melba, seryoso, nakatuon at masinsinang nananahi
Mas malapit na kuha kay Melba at sa likod nito ang iba’t ibang kagamitan sa pananahi
Ito naman ang mga kamay ni Melba, makalyo ngunit ayon sa kanya sumisimbolo ng kanyang dedikasyon sa trabaho araw-araw
Ito ang ilan sa mga kasamahang mananahi ni Melba na nakatuon sa kani-kanilang ginagawa
Mas malapitang kuha sa mga kasamahan ni Melba sa trabaho
Si Makoy, na siyang katulong din ni “kuyang cutter” sa paggugupit, ay tuloy-tuloy ang pagsukat sa iba pang mga tela para sa mga susunod na operasyon
Nagsisimulang isulat ni Melba ang bilang ng kanyang mga natahi para sa araw na iyon
Malapitang kuha sa makina na isa sa ginagamit ni Melba araw-araw na tinatawag na 4 threads overlock o edging
Ito ay ang estante o kinalalagyan ng iba’t ibang kulay at klase ng sinulid na ginagamit sa pabrika araw-araw
Sa pag-uwi ni Melba sa kanyang bahay, ang unang sumasalubong sa kanya ay ang kanyang itinuturing na sariling anak na si Angel