Pechay
Minsan habang kumakain ako, iniisip ko kung anong pinagdaanan ng mga pagkain sa harap ko bago ito makarating sa aming hapagkainan. Kaya ito ang naisip kong ibahagi.
Sa munting munisipalidad ng Pateros, mayroong tabasan at himayan ng pechay. Dito, masinsinang hinihimay ang mga dahon at isa-isang tinatabas ang mga tangay nito. Pagtapos nito, itatali naman ng tig-isang kilo tsaka ilulublob sa tubig na may asin para malinisan. Hinahango pa nila ito mula sa Batangas at ibinubuhos naman sa public market ng Pasig para ipamahagi sa kanilang mga sinusuplayan na mga suki.
Sina Romulo Jr. at John Kenedick ang nadatnan kong naghihimay ng pechay. Mga high school student sa Pateros National High School. Tuwing hapon pagkatapos ng kanilang klase ay dumidiretso sila dito upang maghimay at magtali ng mga panindang pechay. Mula noong magpandemya, ito na ang kanilang nakasanayang gawin upang makatulong na rin sa kanilang pang araw-araw na pagkain.
Karaniwang ala sais ng gabi dumadating ang mga pechay na kanilang hihimayin. Madalas ay umaabot ng 500 kilo ang kanilang hinahango. Ala sais sila nag uumpisa at madalas silang natatapos ng mga bandang alas kwatro na ng umaga. Sa halos limang taon nilang paghihimay, tila ba normal na lang sa kanila ang masugatan gamit ang mga cutter na kanilang ginagamit sa pagtabas ng pechay.
“Madali lang naman ‘to, eh, nandiyan naman sila nakaka-kwentuhan ko kaya di ako nabuburyo.” paglilinaw ni Junior nang aking tanungin kung nahihirapan siya sa ganitong klase ng pamumuhay.
Laking gulat ko nang malaman ko kung magkano ang kinikita nila sa ganitong pamumuhay. Sa paghihimay, limang piso kada sampung kilo. Sa pagtatali naman, piso kada kilo. Sa dami ng tangkay na kanilang tatabasin upang mabuo ang sampung kilo, tyaga at sakripisyo ang kinakailangan. Bago sila makabuo ng 100 piso, kinakailangan muna nilang maghimay ng 200 kilo ng pechay. Yung iba sa'tin, binabalewala lang ang ganitong halaga. Kung minsan nga, tinatabi na lang kung saan-saan. Pero sila, bago nila kitain ang ganitong halaga, kinakailangan muna nilang magkayod nang husto.
Para sa kanila, malaking tulong na ito sa kanilang pamilya. Lalo na't parehong hindi tapos sa pag-aaral ang kanilang mga magulang kaya hindi makahanap ng maayos na trabaho. Sina Junior at Kenedick ang patunay na hangga't may tyaga, may nilaga. Ganunpaman, nakalulungkot dahil sa kanilang mga murang edad, napipilitan silang buhayin ang kanilang mga sarili. Hindi dapat nila nararanasan ang ganitong mapait na mundo. Hindi rin namang pwedeng sisihin na lang ang kanilang mga magulang dahil isa rin sila sa biktima ng mapang-matang mundo.
Pechay ni Michelle Simbul BAJ 4-2N




