Pasado Alas Singko
ni Patricia Kate V. Azicate, BAJ 3-1D
Pasado Alas Singko
ni Patricia Kate V. Azicate, BAJ 3-1D
1.
Sa Gitna ng Pagkawala
Alam ko kung paano umuwi.
Hindi naman talaga ako sanay na umaalis. Minsan nga, hindi ako nasisikatan ng araw mula sa mga ilang linggong lilipas. Siguro dahil mas kumportable ako sa lilim na dulot ng kurtina sa kwarto, sa payak na porma ng unan tuwing mahihiga, at sa tahimik na hangin kapag ako lang ang mag-isa.
Pero natutuhang mahalin ng aking balat ang sinag ng araw at ang init na dala nito. Simula noong kinakailangan kong bumiyahe mula Bulacan pa-Maynila para pumasok sa eskuwela, hindi na ako tinigilan ng mga makukulit kong paa. Mas pinili nilang umapak sa maputik na sapatos kaysa sa malilinis na sahig. Ilang beses na akong naligaw sa Avenida pero hindi ako kailanman nakaramdam ng pangungulila. Alam ko kung saan ako uuwi. Alam ko kung paano bagtasin ang malulubak na daan patungo sa tahanan.
Naalala ko, isang araw, hindi ako gaya ng marami.
Habang papunta sa Gil Puyat, sakay ng mauga-ugang bagon, nakasabay ko sa biyahe ang isang babae. Mga apatnapu hanggang limampu ang edad. Dala niya’y isang bag sa likod, habang pahawak-hawak sa bakal sa gilid upang hindi matumba mula sa pagkakaalog sa riles. Maikli ang kaniyang buhok, sing-ikli ng pasensya ng mga pasahero tuwing nababangga ang kanilang mga braso. Ni hindi ko siya natingnan sa mata, pero alam ko mula sa kilos ng kaniyang katawan—hindi niya alam kung saan siya papunta. Tama nga ako. At sana nga’y nagkamali na lang ako ng hinuha.
Tuwing bubukas ang kanang pinto ng tren, palinga-linga siya ng tingin sa labas. Tapos, kakausapin niya sa text ang kakilala. Sabi niya, kalalabas lamang niya mula sa ospital. Pinangakuan siya ng kaniyang nakatatandang kapatid na manuluyan sa kanila. Mula Doroteo Jose hanggang Pedro Gil, nakaabang siya sa isasagot ng kaniyang kausap. Kasabay ng unti-unting pagbawas ng anino ng mga pasahero ay ang mistulang pagkawala ng kaniyang pag-asang makahanap ng uuwian. Ani niya sa kaniyang kausap, pinalayas umano siya ng kaniyang bayaw. Hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng tadhana.
Hindi niya alam kung saan siya uuwi.
Pasado alas singko na nang sabay kaming bumaba sa Gil Puyat. Pagkaapak ko sa yellow platform, nalunod ako sa bugso ng mga katawang palabas ng istasyon. Dahil sa pagmamadali, ni hindi ko man lang nakita ang babaeng nasa harapan ko sa loob ng halos kalahating oras; ang babaeng hanggang ngayo’y nasa isip ko kung nakahagilap na ng pansamantalang matutuluyan.
Ni hindi ko alam ang kaniyang pangalan. Ang alam ko lang, hanggang ngayon, nangangamba pa rin ako sa kaniyang uuwian.
2
Mga Kuwentong Hindi Ko Hiniling
Mabilis din akong nasasanay sa siksikan.
Sa kung paanong ang mga balat na hindi pamilyar sa akin ay hinahayaan ko na lamang lumapat sa aking braso. Wala akong magagawa. Minsan, sa kalagitnaan ng biyahe sa loob ng bagon, hindi ko alam kung saan kakapit. Ipinagpapasalamat ko na lamang sa mga katabi ko ang hindi ko pagtumba.
Pero naalala ko, isang araw, hindi ako gaya ng marami.
Sa Recto station, papuntang V. Mapa, malakas na boses ang bumungad sa tren.
“Baby ba siya?” Turo ng isang matandang ginang, animnapu hanggang pitumpu ang tantsa kong edad, sa isang babaeng may kandong na bata sa priority seat. Umiling ang itunuro.
“Toddler na ‘yan, e. Ikaw senior ka ba? Kayo, senior ba kayo?” Pasinghal niyang tanong sa mga menor de edad na kumportableng nakasandal sa upuang ginawa para may espasyo ang mga buntis, may kapansanan, at matatanda. Wala ni isa sa kanila ang nagbigay ng mauupan. Mabuti na lamang at may nagsibabaang mga pasahero sa Pureza station. Nakaupo sa wakas ang ginang.
Malakas siyang nakipagkuwentuhan sa kaniyang katabi tungkol sa diabetes at high blood. Parang busina ng sasakyan tuwing alas sais ng umaga ang kanilang pag-uusap—ratsada kung ratsada, walang magawa ang mga tainga ko kung hindi ang makinig na lamang Mayroon siyang binabanggit na doktor na sikat umano sa YouTube, limot ko na kung ano ang pangalan.
Tanging naalala ko lang kung paanong halos lahat ng tao ay nakatingin sa kaniya habang nagkukuwento. Napaisip ako, sa lahat ng nangyaring hindi maganda sa kaniyang umaga, maraming naratibong dala ang matanda. Hindi na niya napansin ang nasa paligid habang nakikipag-usap. Ang mga istoryang siya lamang ang makakapagkuwento, mas mapapalalim lalo kung siya’y kumportableng makakaupo.
Hindi man ito ang kuwentong kong hiling, sana sa susunod niyang biyahe hindi na niya kailangan pang makiusap para makaupo nang taimtim.
3
Resibong ‘Di Naitago
‘Di ako nagdadala ng mga bagaheng hindi ko masasalo.
Tuwing nasa bus, mapili ang aking puwit sa kung saang upuan ako mananatili buong biyahe. Kapag nakapili na ako ng mauupuan, isasandal ko na ang likod kong pagod sa kabubuhat ng bag. Mahilig akong magtabi ng mga resibong inaabot sa akin, maski na maliliit na papel. Wala namang malalim na dahilan kung bakit, masaya lang akong nakikitang may ‘sang dangkal na umbok sa bulsa ng aking pitaka.
Pero naalala ko, isang araw, hindi ako gaya ng marami.
Habang naghihintay na umalis ang bus, himbing na himbing ang isang babae, dalawampung anyos sa aking tansta. Hindi niya na suot ang kaniyang mga sandalyas, marahil ay pagod na sa kalalakad. Nakataas ang kaniyang mga paa sa upuan ng bus habang nakasandal ang kaniyang ulo sa bintana. Itim na bistida ang kaniyang suot, maikli ang kaniyang buhok. May suot siyang ID na hula ko ay pantrabaho, malamang ay sa call center. Pagkatapos magbayad, natulog siyang muli.
Alas siyete. Habang binabaybay ang kahabaan ng SLEX, inaalala ko kung ilang resibo na ba ang nakatabi sa aking pitaka. Naisip kong tabihan siya at kausapin upang gumaan ang kaniyang pakiramdam. Pero mas nangibabaw sa akin ang hayaan siyang nahihimbing kahit man lang dalawang oras.
Nang dumating ang ticket inspector, hirap silang gisingin ang babae. Noong nakamulat na siyang sa wakas, nawawala ang resibo niya sa bus.
“Kahapon pa ‘to, e,” sabi ng lalaki habang hawak ang pasong resibo ng babae.
“’Di ko po alam kung saan ko nailagay ‘yung ticket ko, pero nakapagbayad naman po ako,” malumanay niyang sagot sa kausap. Ipinaliwanag ng kundoktor sa inspektor na nakapag-abot ng pamasahe ang babaeng pagal sa trabaho.
“Sa susunod hindi na puwede ‘yang ganiyan ha,” paalala ng lalaki habang ibinabalik ang ticket ng ibang pasahero.
Tumango siya. At sabay kaming bumaba. Nauna siyang tumawid sa akin. Maigi na lamang at nakita ko ang kaniyang pangalan: Alexis. Napaisip akong muli habang hinihintay na mag-go ang stop light. Kumusta kaya siyang bumabiyahe hanggang ngayon? Sana ay naitatabi na niya ang mga ticket sa bus. Higit sa lahat, sana ay may katabi na siya tuwing araw ng biyahe—para mas magaan ang bawat dala niyang personal na bagahe.
4.
Higit sa Kotse-kotsehan
Nahubog ang hilig ko sa laruan sa araw-araw na pamamasahe.
Pabaligtad yata ako kung tumanda.
Natutuwa ako tuwing bibili ng laruang sasakyan. Hindi na tugma sa edad ko ngayon, pero napapakalma ako ng mga ito tuwing aalis ng bahay. Kung anong klaseng kotse man ang matipuhan ko, hindi sa pagmamalaki, ay nakakayanan kong mapasaakin ngayon.
Pero naalala ko, isang araw, hindi ako gaya ng marami.
Sa mabilis na takbo ng Santrans bus papuntang Avenida, may nakasabay ako sa biyahe. Nakapuwesto sila sa pangatlong hilera ng mga upuan. Nakita ko ang batang lalaki na may dalang laruang sasakyan, kasama ng kaniyang lola. Napaisip ako. Para akong ibinalik sa pagkabata ng ganoong klaseng tagpo.
Lumapit ako sa kanila. Ipinakita ko sa bata ang dala kong dalawang kotseng singgaan ng kaniyang mga kamay. Isang McLaren P1 diecast model at isang lumang alloy toy car.




Noong nakita ko ang maliit na ngiti sa kaniyang labi, alam kong gumaan ang loob niya sa akin. Nagkuwentuhan kami ng kaniyang lola sa loob ng tatlong oras. Sa mga minutong iyon, kita ko na ang matinding pagkahilig ng kaniyang apo sa mga laruan.
Nakatira sila sa Bulacan, pa-Tondo ang kanilang biyahe upang mamasko. Tinanong ko si Lola Gillet, limampu’t anim na taong gulang, kung bakit may dalang laruan ang bata. Tugon niya ay para umano may paglibangan ang kaniyang apo sa biyahe. Si Nathaniel, o Natnat kung tawagin ng kaniyang lola, ay walong taon. Kulang ang kaniyang ngipin sa harap. Nasa kinder pa lamang dahil hindi nakasabay sa online class noong kasagsagan ng pandemic.
Si Lola Gillet na lamang ang nag-aalaga sa kaniyang apo. Hiwalay ang magulang ni Natnat, ang kaniyang nanay ay nasa Isabela kasama ang pangalawang pamilya, ang tatay naman niya ay may iba ring kinakasama ngunit kasalukuyang nakakulong sa Recto dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Panandaliang inalagaan si Natnat ng kaniyang nanay, at ibinalik din sa puder ng kaniyang lola dahil hindi makayanan ang kaniyang kakulitan. Pilyong bata raw si Natnat, pero mapagmahal siyang apo. Hindi pa siya marunong magbasa at magsulat, pero may alam siya sa pagpindot ng YouTube sa cellphone. Tahimik lamang ang bata habang pinagkakarera ang mga kotseng hawak niya. Marami-rami din kaming napag-usapan ni Lola Gillet, mula sa kaniyang pagkadalaga hanggang sa trabaho niya ngayon. Gumagawa raw sila ng basahan sa bahay, at tuwing linggo, katekista siya sa kanilang simbahan.
“Mas masarap maging mahirap kasi mas marunong kang makisama,” sabi niya.
Pilit na nagpapabili si Natnat ng kotseng kagaya ng akin. Dapat original, hirit ng bata.
“Oo, sa susunod, bibilhan kita,” pang-uutong sabi ni Lola Gillet upang hindi na mangulit ang kasama.
Ang kaniyang dalang laruang kotse, Hot Wheels, ay napulot niya lang sa daan. Wala raw nagtatagal na laruan sa kaniya dahil parati niya itong nasisira. Tuwing nagpapadala ng gamit ang kaniyang tito sa Hong Kong, nakikilaro siya sa kaniyang mga pinsan.
Mag-aalas tres ng tanghali. Habang nasa Lacson Avenue, iniisip ko kung anong klaseng bata si Natnat sa kaniyang paglaki. Kung maitutuloy niya ba ang pag-aaral at hilig sa laruang kotse? Kung si Lola Gillet pa rin ba ang mag-aalaga sa kaniyang apo hanggang sa pagtanda niya nang husto? O kung makakapunta ba silang ligtas sa Tondo, at makakauwi bang maraming dalang pamasko.
Nang makarating na sa Avenida, parehas na kaming namaalam sa isa’t isa. Ibinalik sa akin ni Natnat ang kotseng buong biyahe niyang dala-dala.
Isa lang ang nasa isip ko: sana makuha niya ang laruan at maayos na buhay na tinatamasa.
5.
Kung Paanong Hindi Ako Nakauwi
Halos lahat ng ito, nakuwento ko na sa iyo.
Matagal-tagal na rin akong pabalik-balik mula norte papuntang sur. Kabisado ko na rin ang daan at kung magkano ang pamasahe patungo sa bahay niyo. Minsan tama ang tantsa ko sa oras. Kapag sinabi kong alas otso ng umaga, mag-abang ka na sa pinto, ang ibig kong sabihin, mahigpit na yakap ang sasalubong sa iyo.
Sa kada-sakay ko ng tren, iniisip kong nakakapit ka sa mga braso ko lalo't hindi mo abot ang handrails sa itaas. Iniisip kong nakadantay ang ‘yong ulo sa aking balikat, at baka nga makatulog ka pa dahil malambot ‘ka mo ito. Ayos lang, hindi naman tayo mahuhulog.
Kapag sinabi kong hindi pa ako nag-aalmusal, ang ibig kong sabihin, ayaw kong mabaho ang aking mga labi ‘pag pinagtagpo sa iyo.
Sa bus, sinasanay ko minsan ang hindi maupo katabi ng bintana. Para kapag ikaw na ang kasama ko sa biyahe, kumportable ako sa tabi mo. Pero kahit saan naman ako dalhin, basta ikaw ang kasama, magaan ang pakiramdam ko.
Noong una nating biyahe, sa isip-isip ko, sana hindi na lang matapos itong daan. Sana humaba ang trapiko. Sana nasa dulo pa tayo ng pila. At sana hindi matapos itong lakbay sa kalsada. Minsan sa tuwing umuuga ang bagon, pakiramdam ko, hinehele pa rin nila ako hanggang pagtulog. Pero walang sinabi ang ugoy ng tren sa pagkanta mong nakakaantok.
Tuwing kasama kita sa daan, pakiramdam ko atin ang kalsada. Sa lawak ng mga sementong iyon, alam nila kung paano mo hinawakan ang kamay ko kahit maraming tao ang nakatingin. Siguro dahil parehas tayong babae. Pero walang kasarian ang pag-ibig. Kahit papaano, sa mundo natin.
Kapag sinabi kong malapit na ako, ang ibig kong sabihin, hindi na ako aalis. Dahil ang mahalin ka ay pahinga sa mundong mabangis, at hindi ito kailanman pagmamalabis.
Sa hinaba-haba ng biyahe mula sa amin papunta sa inyo, walang akong naramdamang anumang pagsisisi. Sulit ang lahat ng pagod, ang ilang oras na pagtayo at pag-upo sa tren at bus—ang pakikinig sa mga kantang minsan ikaw ang dahilan.
Pasado alas singko na. Naalala ko, baka gaya na rin ako ng marami.
Sanay na sanay na akong umaalis ngayon dahil hinahanap na ng balat ko ang haplos mong sing-init ng sinag ng araw. Mas kumportable na ako sa lilim ng yakap mong hindi ako hahayaang mag-isa. Ilang beses man akong maligaw sa Avenida, ilang beses man akong makarinig ng marami pang istorya gaya ng sa kanila, sa iyo pa rin ako nangungulila.
Kapag sinabi kong magkita tayong muli, ang ibig kong sabihin, mahal kita sa paraang hindi ko kailangan ng sukli.
Mahal kita sa paraang hindi ko na alam kung paano umuwi.
Hi Pat,
Isa itong orihinal na likha: may limang piraso o fragment na mga kwento -- kwentong buhay at di pa tapos; mga kwentong itutuloy at di pa nagwawakas. Ano pa ang mga susunod na karugtong o kabanata nito? Ano ang binabalak mo upang madagdagan ang koleksiyon mo? Ano ang naging karanasan mo sa pagbuo ng mga akdang ito?