Parkeng may buhay ang liwanag
ni LINSANGAN, Mariz Shane F.


Digital Imaging
Gawain #3: Three Basic Shots (TBS) Magic hour or Golden hour
Parkeng may buhay ang liwanag
Martes ng umaga, ako ay nagpunta sa Makati Park upang makapaglakad-lakad, magnilay, at higit sa lahat, makahanap ng magandang subject para sa litratong makukuha ang “golden hour.” Saktong-sakto ang araw na iyon. Bagamat mainit, nakadungaw ang araw sa bughaw na langit. Para sa akin, isa itong biyaya. Alam kong may magandang kwento ng buhay at lliwanag akong mahahabol.
Habang nag-iikot ako sa paligid ng parke, napansin kong dahil mdaaga pa at wala pang gaanong tao. Sa halip, mga maintenance staff pa lang ang aking naabutan na naglilinis, nagtatanim, at nag-aayos ng mga halaman. Agad akong natuwa dahil maganda ang sikat ng araw sa kanilang mga pwesto. Kinuha ko ang pagkakataong ito upang kunan sila ng mga larawan, iniisip kong magandang ipakita sa litrato hindi lang ang tanawin kundi ang mga taong likod nito.
Nakipagkwentuhan ako kay Ate Tess, isa sa mga empleyado ng parke. Aniya, matagal na siyang nagtatrabaho roon at labis ang kanyang tuwa dahil muling nabuksan ang parke matapos ang ilang taong pagsasara. Bagamat mahirap ang trabaho, lalo na’t tirik ang araw, masaya pa rin siya. Nabanggit niya na sulit ang pagod basta’t mapanatili ang kaayusan at kagandahan ng parke. Nakakagaan ng damdamin ang kanyang dedikasyon. Sa likod ng bawat malinis at maayos na tanawin, may mga taong tulad ni Ate Tess na buong puso ang serbisyo.
Sa sandaling iyon, naisip kong hindi lang ako naroon para sa litrato at sa magandang tanawin. Isa rin itong pagkakataon para mas maunawaan ko ang kagandahan ng simpleng serbisyo at ang kahalagahan ng mga taong tulad ni Ate Tess. Habang naglalakad pa ako, dama ko ang preskong hangin, ang katahimikan ng umaga, at ang kalmadong dala ng kalikasan, para sa akin isa itong saglit na takas mula sa reyalidad.
Dagdag pa sa aral na aking nakuha, naging kapaki-pakinabang din ito sa aking kasanayan sa potograpiya. Natutunan kong ayusin ang exposure at pag-anggulo para mas maipakita ang tamang timpla ng liwanag sa aking kinukuhanang subject. Sa kabuuan, naging makabuluhan ang araw na iyon — hindi lamang dahil nakuha ko ang “golden-hour” shot na gusto ko, kundi dahil nakatagpo rin ako ng kwento ng buhay at damdaming tunay na nakapagbigay saysay sa aking litrato.
LOCATION: Makati Park
SHOT TAKEN: May 20, 2025 | 8:30 AM