Pamahaw
Isang maliit na almusalan ang matatagpuan sa makipot na iskinita ng Tropical Village, General Trias Cavite. Isang tindahan na pagmamay-ari ni Cristina Mante o mas kilala sa pangalang “Aling Bing”.
Madaling araw pa lamang ay bumabangon na si Aling Bing upang mamili ng kanyang mga kailangan para sa kaniyang itinitindang Pancake, Pansit, Champorado at Sopas.
Isang kartong karatula lang, pero sa likod nito, may pusong nag-aalab para mabuhay. Sa maliit na puwesto na gawa sa hollow blocks at bakal na rehas, nagsisimula ang bawat araw sa halimuyak ng mainit na kape, ginisang pansit, at bagong lutong hotcake.
Mula sa maliit na kalan, niluluto niya ang almusal ng mga kapitbahay. Mga manggagawang papasok, estudyanteng nagmamadali, at mga batang gusto lang ng mainit na pancake sa umaga. Bawat sandok ng Sopas at bawat patak ng mantika ay may halong pagod, pag-asa, at pagmamahal.
“Isa nga pong pancake” “May pansit pa po kayo?” iyan ang aking unang tanong bago ko simulan ang gawain na ito. Ako mismo, gusto ko matikman ang mga inihain niya sa araw na ito. Tinanong ko siya kung maari ko ba siyang makuhanan ng litrato para lamang sa aking gawain, sumagot siya “oo naman anak, ano ba ang gagawin ko?” sabi ko ay “pwede po kayo na ngumiti lang” nagulat ako ng dinampot niya ang bagong lutong pancake na kaniyang niluto at sabay ngiti sa camera kahit pawisan at pagod.
Sa aking patuloy na pagtatanong, nalamang kong may apat na anak si Aling Bing na nag-aaral at dalawa dito ay nasa kolehiyo na, kaya gano’n na lamang kung magsumikap si Aling Bing. Hindi lang isa, kundi apat. Apat na anak na itinuturing niyang kayaman. “Basta’t para sa mga anak ko, gagawin ko lahat“, sambit ni Aling Bing.
Saksi ang maliit na espasyo ng kaniyang tindahan sa hirap at pagod niya sa araw-araw. Ramdam ng kalan ang init ng kaniyang dedikasyon para sa kaniyang mga anak, at sa bawat pawis na pumapatak ay may umuusbong na pag-asa na balang araw ay kaniyang makakamtan ang buhay na inaasam.
Walang mamahaling kagamitan, walang malaki o magarang espasyo. Pero may isang bagay na hindi kayang pantayan ng kahit anong fast food chain, ang tunay na lasa ng lutong bahay at malasakit para pamilya at ibang tao.








