

Paano Ba ang Magdasal?
Sa isang bansang may malaking populasyon ng mga Kristiyano lalo na ng mga Romano Katoliko namulat tayo sa relihiyosong tradisyon: sa pagsisimba, pagdarasal, at pananampalataya.
Kuha ang litratong ito sa Santo Domingo Church, Quezon City noong Mayo 6, 2025, Martes. Makikita rito si Prince Mesias, sampung taong gulang. Ngunit sa edad niyang iyon, dalawang beses pa lamang siya nakapasok ng simbahan—at hindi pa kasama ang kanyang mga magulang. Sinama namin siya sa pagsisimba noong Linggo.
Naalala ko, pagkatapos naming magsimba, tinanong ko siya: "Ano ang ipinagdasal mo?" Isang simpleng tanong na karaniwang kayang sagutin ng bata. Ngunit imbes na sagutin, bigla niya akong tinanong: "Paano ba ang magdasal?"
Hindi naman nakagugulat na hindi niya alam, sapagkat hindi siya lumaki na palaging nasa simbahan. Doon ko naisip na ang mga batang kagaya niya ay nangangailangan ng gabay ng isang taong magtuturo kung paano manalig at manalangin. Kaya’t napagdesisyunan kong dalhin siya sa simbahan at unti-unting turuan.
Sa ngayon, tinuturuan ko siyang magdasal. Ngunit alam kong darating ang araw na ang mga salitang lalabas sa kanyang bibig na puno ng pasasalamat at hiling ay hindi na manggagaling sa mga itinuro ko, kundi sa tunay na laman ng kanyang puso.