Ang mata ay isa sa pinakamahalagang parte ng ating katawan, ito ang dahilan kung bakit tayo nakakakita ng magagandang bagay sa mundo.
Ang trabaho ni ate Donna ay isang staff sa isang eye clinic sa Quiapo, Maynila. Sa humigit 20 years niya sa industriya na ito, talagang dalubhasa na siya sa pag aalaga ng mata ng kanyang mga customer.
Hindi natapos ni ate Donna ang kaniyang pag aaral ng kolehiyo, hanggang 3rd year lamang ang natapos niya sa kursong Computer Engineering sa kalapit na catholic school sa Quiapo dahil sa hirap ng buhay, isa pa naman siyang bread winner at panganay na inaasahan ng kaniyang pamilya, inisalalang niya ang kaniyang pag aaral upang makatulong sa pamilya at makapag ipon para sa kanyang hinaharap.
Unang nagsimula si ate Donna sa isang Eye Clinic sa isang mall sa Maynila, madali lang ang kaniyang naging trabaho: ang pag assist sa mga customer sa kanilang kailangan para sa kanilang mata, pagsagawa ng eye checkup at pag assist sa optometrist sa mga customer. Sa loob ng 7 years ay nananatili si ate Donna sa eye clinic na iyon sa mall ngunit mayroong trahedya na nangyari kay ate Donna kung kaya’t tumigil siya panandalian sa pagtatrabaho–noong nanganak kasi si ate Donna ay hindi nakaligtas ang sanggol at kalaunang namatay ito. Pagkatapos nito ay tumigil si ate Donna sa pagtatrabaho ng mahigit isang taon upang magpahinga.
Nang matapos magpahinga, sumabak ulit si ate Donna sa isa pang eye clinic sa mall ngunit matapos ang ilang taon ay umalis siya rito at naghanap ng mas malapit sa kaniyang tinitirahan sa Recto at nagpalipat-lipat siya ng ilang taon sa mga eye clinic sa Quiapo at Carriedo at hanggang sa kasalukuyan niyang eye clinic na apat na taon na siyang nagtatrabaho.
Ang eye clinic na pinagtatrabauhan ni ate Donna ay isa sa daan-daang eye clinic na makikita sa Quiapo hanggang Carriedo, nakatayo na ito simula 2021, kasagsagan ng pandemiya. Aniya, “Mas malaki pa nga ‘yung kita ng clinic during the pandemic kaysa ngayon na sobrang tumal kasi nagsilabasan na yung mga eye clinic dito sa Quiapo, kaya humihina na yung negosyo namin.”
Isa sa problema ni ate Donna ay ang mahinang benta ng mga salamin dahil na nga sa nagsisisulputang mga eye clinic sa lugar pero hindi naman ito hadlang para sa kaniya na mawalan ng gana upang magtrabaho at mawalan ng pinagkakakitaaan dahil may mga ilan pa rin naman na binabalik-balikan ang eye clinic dahil sa mura nitong presyo ng salamin.
Ang mga salamin na kanilang binibenta ay naglalaro sa presyong 350 na pinakababa hanggang sa 3,000 para sa mamahaling frame ng salamin, dagdag pa niya ay pwedeng pwede pa raw tawaran ang mga presyo. Kung magpapa salamin ay libre na nilang binibigay ang eye checkup.
Sa loob ng 20 years na pagtatrabaho at pagsasakripisyo ni ate Donna sa ganitong uri ng trabaho, hindi madali ang kaniyang naging pinagdaanan para maabot ang kinatatayuang kalagayan niya.
Sa ngayon, hindi man dinudumog ang kanilang munting eye clinic sa Quiapo ngunit ang sikreto raw ni ate Donna kung bakit siya tumagal sa ganitong trabaho ay mahalin mismo ang ginagawa pati na rin ang customer dahil hindi kasi ganun ka importante ang kanilang binebenta hindi katulad ng mga pagkain at damit na mas mahalang kinakailangan ng mga tao kung kaya’t minamahal ni ate Donna ang bawat customer na pumapasok sa pintuan ng kanilang clinic upang babalik-balikan sila.
Ganoon raw siya magmahal ng mata ng ibang tao kung kaya’t ang huling pasabi niya ay mahalin natin ang ating sarili lalong lalo na ang ating mga mata para pag tinanong natin sa harap ng salamin ay makikita natin sino ang pinakamaganda sa kanilang lahat.
#







