

Obelisk
Kung isa kang PUPian, malamang sa malamang ay alam mo ang Obelisk — isang matayog na istruktura na sumisimbolo sa katatagan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) - Sta. Mesa bilang isang institusyon.
Nagbibigay rin ito ng pagkilala kay Apolinario Mabini, ang utak ng Katipunan, sapagkat ninanais din ng pamantasan na ipaglaban ang katotohanan at hustisya. Dagdag pa, pinapaalala nito na ang mga iskolar ay tanglaw ng bayan.
Hindi talaga planado na gawing subject ang Obelisk dito sa aking munting proyekto. Sa katotohanan, mas gusto kong gawing pokus ang Linear Park dahil sa angkin nitong ganda. Ngunit, tila mailap ang araw noong sinusubukan kong kuhanan ang Linear Park.
Sa isang segundo, nariyan ang araw para ipakita ang golden hour. Sa mga susunod, nawawala ito. Dahil dito, nagpasya akong maghanap na lamang ng ibang pokus.
Naglalakad ako sa kahabaan ng PUP para sana maglakad ng papeles para sa aking debating organization (PUP SOD). Pagkalabas ng Lagoon, bumungad sa akin ang Obelisk at ang araw na yumayakap dito sa hapong iyon.
Nang lumapit ako rito, biglang naging pawala-wala ang araw kaya isang pagsubok sa akin ang kumuha ng larawan.
Lakad dito, lakad diyan. Mamaya-maya, uupo ulit at tatayo para kuhanan ang gustong larawan subalit mailap pa rin ang araw.
Naging mabuti naman sa akin ang pagkakataon dahil pagkatapos ng sobrang pagpapawis, tumama ang sinag ng araw sa estatwa ni Mabini. Iyan ang aking naging munting kasiyahan sa araw na ito.
Kung tutuusin hindi madaling kumuha ng larawan na nagpapakita ng golden hour. Susubukin nito ang iyong pasensya at papagurin ka rin nito pero sa huli, tuturuan ka nito na kaya mahalaga ang sining at mga larawan ay dahil nagbibigay tayo ng oras at lakas sa pagkuha at paggawa nito — na mas mabilis man lumikha ang mga makina, hinding-hindi nito mapapalitan ang sining na gawa sa pagmamahal.
