

Mila
Ni: Earl Morales
Sa bawat walis at punas, siya’y may kwentong binubuo. May sariling mundo—tahimik ngunit magulo. Siya ang heroina sa sarili niyang entablado, lumalaban hindi sa ingay ng mundo, kundi sa gulo na tahimik niyang kinakalaban.
Siya si Mila—isang bayani ng Brgy. San Andres, Cainta. May karamdaman man sa pag-iisip, hindi ito hadlang sa kanyang kasipagan. Madalas siyang makita sa harap ng 7/11 o sa dulong carwash, bitbit ang walis na tila espada na kinakalaban ang mga basurang nakakalat.
Hindi siya humihingi ng kapalit, ngunit ang kabutihan ay kusa ring bumabalik—mga tinapay, tubig, kape, at mga ngiti.
Hindi man siya laging nauunawaan, ramdam ang kanyang presensya—tulad ng hangin, tahimik ngunit mahalaga.