Lipunang Tulog
ni Pineda, Bernadette Nicole S. BAJ 2-1N


Digital Imaging Gawain Bilang #3
Lipunang Tulog
Nag-set ako ng alarm sa ganap na 6:00 ng umaga ngayong araw upang ikutin ang Pureza Street at makahanap na rin sana ng mapipitikan para sa Magic Hour entry ko. Ilang araw ang nasayang tuwing sinusubukan kong pumitik sa golden hour sa hapon sapagkat lagi akong natatapatan ng ulan o kulimlim. Kaya napagdesisyunanan kong sa umaga na lang maghanap sapagkat napagtanto ko na siguradong mayroon at mayroong sinag sa umaga, kumpara sa hapon na palaging makulimlim ngayon.
Paglabas ko pa lamang nitong umaga sa apartment, isang tagpo na agad ang tumambad sa akin—si manong na mahimbing na natutulog sa isang karton sa gilid ng kalsada. Napatigil ako at napuno ng pagninilay ang aking kaisipan. Sa sandaling ito ay bigla kong napagtanto kung gaano ako kapalad na sa bawat paggising ko ay may bubong, kama, at almusal na naghihintay, habang si manong ay tila natutulog sa ingay ng mundong walang katiyakan kung may hapunan pa siyang daratnan.
Madalas nating sabihin na ang buhay ay puno ng ‘choice.’ Pero sa totoo lang, hindi lahat ay may pantay na pagkakataon sa buhay. Minsan, kahit anong sikap mo, may mga laban talagang hindi mo kayang talunin—lalo na kung ang sistema mismo ang kalaban. Paano ka babangon kung mula pa lang sa umpisa ay wala ka nang sandalan? Paano mo pipiliin ang ‘tama’ kung wala ka namang opsyon kundi ang mabuhay sa gilid ng daan at maghintay ng tutulong sayong mairaos ang araw mo?
Para sa akin, hindi ito simpleng larawan lamang ng kahirapan sa buhay. Nagsisilbi rin itong isang paalala na habang tayo ay patuloy lamang sa buhay, may mga taong unti-unting nilalamon ng pagkalimot. Hindi nila pinili ang ganitong kalagayan. Hindi sila tamad. Hindi sila pabaya sa buhay. Sadyang sa mundong ito, may mga taong isinasantabi ng lipunan.
Pero sa totoo lang, napagtanto ko rin na hindi sapat ang awa at ang pitik ko na ito. Ang tunay na pagkalinga ay nasusukat sa ating mga paninindigan at desisyong hindi lamang para sa sarili, kundi para rin sa ating kapwa.
Ngayong papalapit na halalan sa Mayo 12, 2025, huwag sana nating hayaang biguin tayong muli. Sana’y ipagpatuloy pa rin nating ipaglaban ang isang lipunan na hindi lamang pinapaboran ang mga may kaya o ang mga mayayaman, kundi ang mga kagaya ni manong na araw-araw ay lumalaban hindi para sa luho, kundi para lang mabuhay.