Kartilya
Ni: Nica Hernaez
Isa sa mga paborito kong alaala noong kabataan ay ang panooring sementuhin ang putikang kalsada sa kahabaan ng aming kalye. Naalala ko pa ang amoy nang sariwang aspalto, ang mga mukha nang mga pawis na pawis na mga laborer at ang mga naglalakihang trak ng bako at mixer. Nakakaaliw ang paminsan-minsang mano-manong paghahalo nila ng semento–pantapal kapag may isa sa mga kapitbahay namin o mga alagang hayop ang aksidenteng nakaapak sa hindi pa tuyong bahagi nang sinementong kalsada.
Masaya ang buong Daisy Street nang matapos ang proyektong iyon, rinig ko ang taimtim na pasasalamat ng aming mga ka-kalye dahil sa wakas, makapag lakad na kaming hindi inaalala kung magiging kulay putik ang mga puti naming sapatos. Labis ang papuri ng musmos kong pag-iisip noon sa kung sino mang opisyales ang nagpagawa ng nasabing proyekto. Ngayong binabalikan ko ang mga alaala, napagtanto ko na tila may nakalimutan kaming banggitin sa aming pasasalamat--ang mga manggagawa, ang mga taong ‘di alintana ang init o ulan matapos lang ang pantawid-pamilyang trabaho kapalit ang kakarampot na kita.
Makalipas ang isang dekada, muli akong nakatagpo ng mga manggagawang nakalimutan kong pasalamatan noon. Si kuya Mario, isa siya sa mga trabahador na napili ng aming baranggay upang ayusin ang nasirang bangketa sa kahabaan ng Daisy Street, isa raw aniya ang proyektong ito sa mga daan-daang proyekto na kinabilangan niya. Kung tutuusin, hindi na bago kay kuya Mario ang ganitong trabaho, mula kase noong binata siya ay palagi siyang sinasama ng kanyang ama sa mga raket nito sa construction upang may pandagdag gastos sa kanilang tahanan. Bagamat hindi nakapagtapos ng hayskul si kuya Mario, hindi niya ito hinayaang mangyari sa sarili niyang anak.
Sa loob ng tatlong dekada niyang pagtatrabaho bilang mason, napagtapos na niya sa senior high ang kanyang panganay na anak habang kasalukuyang na sa elementarya naman ang kanyang pangalawa. Katuwang niya sa tahanan ang kanyang asawa na siyang nag-aalaga sa bunso nilang anak at gumagawa ng gawaing bahay.
Kahit mahirap daw aniya ang kaniyang trabaho, lalo na kapag nadedestino sa malalayong lugar, lubos pa rin siyang nagpapasalamat dahil kahit papaano ay may tumanggap sa tulad niyang hindi nakapag tapos. Isa sa mga dagok na lubusang nagpadapa sa mga construction worker na tulad ni kuya Mario ay ang pandemya, buhat kase ng lumobo ang kaso ng COVID sa bansa, natigil ang mga proyekto na naghihintay sana para sa kanila. Buti na lang aniya at nakapag sideline sa pagka kargador sa palengke ang ilaw ng tahanan na si Mario upang may ipangtustos sa kanilang bahay.
Sa dulo nang aking pakikipag panayam kay kuya Mario, binaggit ko ang salitang salamat, hindi lang dahil pinaunlakan niya ang aking panayam kun’di dahil ibinahagi niya ang kuwento ng taong nakakalimutang pasalamatan nang ilan. Dalubhasang maituturing si kuya Mario, dahil bukod sa kasanayan niyang patibayin ang pundasyon ng ating mga nilalakaran, isa rin siyang dalubhasang ama sa loob ng kanilang tahanan. Ilang beses man nasira ang gulong ng kartilya ni kuya Mario sa ilang taon niyang pakikibaka, patuloy niyang pinagulong ang pag-asa na maiahon ang sarili–nang sa ganoon ay hindi na danasin ng kanyang mga supling ang kanyang pinagdaanan.


