hindi lang mga isda, may pusa rin.
ni Lovella Jessa Omaya


hindi lang mga isda, may pusa rin.
Hindi lang mga isda ang makikita sa laot.
Hindi lang mga isda ang marunong sumabay sa alon.
Hindi lang din mga isda ang bumubungad sa katahimikan ng umaga.
Sapagkat minsan, may tahimik, mabigat ang titig, mabalahibo’t kahel na nilalang—
na tila pinaglihi sa liwanag ng bukang-liwayway.
Sa laot, hindi lang araw ang kulay kahel.
Nagsimula man sa isda, pero hindi ito kuwento ng isang tilapia.
Bagkus, ito’y pagpapakilala sa isang nilalang na mas maagang sumisilip
kaysa sa sikat ng araw.
Isang munting aninong mababa ang lundag,
pero mataas kung mangarap.
Nakaupo sa kanyang trono—kawayan, hindi ginto—
ngunit wari mo’y hari ng pag-usbong ng liwanag.
Araw-araw, tapat siya sa kaniyang puwesto—
hindi para manghuli ng paboritong isda,
kundi para masdan ang pag-usad ng araw,
na tila baʼy may lihim silang kasunduan:
ikaw ang sisikat, ako ang unang sasaksi.
Siya si Bugtong.
Hindi palaisipan, pero may hiwagang dala.
Hindi rin siya tanong, pero mapapaisip ka.
Bakit nga ba araw-araw siyang narito?
Noon, hindi ko gusto ang pagsikat ng araw.
Isang rason ay ayokong gumising nang maaga.
Mas kinahiligan ko ang paglubog ng araw,
sapagkat para bang may karangyaan sa paghihintay sa dapithapon.
Isang uri ng gantimpala matapos ang araw ng kapaguran—
tila ba nararapat lamang.
Ngunit sa pagdaan ng mga taon,
napagtanto kong may taglay na ganda rin pala ang umaga.
Isang ganda na hindi madalas mapansin,
sapagkat nasa kalagitnaan pa ng mahimbing na tulog ang mundo.
Maliban na lang kung ikaw ay may eskwela at trabaho—
o di kayaʼy naisipan mo lamang na imulat ang iyong mga mata kaysa sa itinakdang oras.
Ang liwanag ng umaga ay tila paanyaya—
sa isa na namang simula,
sa isa na namang pagkakataon.
Tahimik ang liwanag ng umaga,
ngunit puno ng katiyakan.
Hindi tulad ng dapithapon,
na nag-iiwan pa ng katanungan:
“Makikita ko pa kaya ang liwanag ng bukas?”
Mula roon, tila ay napagtanto ko rin na...
ang pagsikat ng araw
ay hindi lamang panimula,
kundi patunay
na may saysay pa ang pagdilat ng mata.
At minsan, sapat na ang liwanag
upang magpatuloy.