

"Gintong Bunga"
ni Christine Clare Sevilla, BAJ 2-2N
Mayo 19, 2025, ganap na ika-5 ng hapon, nakaupo ako sa duyan sa loob ng lote, naghihintay ng muling paglitaw ng araw. Ang bakanteng loteng ito ay pagmamay-ari ng aking lolo, at makikita ito sa tapat lamang ng aming bahay. Tuwing hapon, madalas kong napapansin na kita ang pagtama ng liwanag ng araw sa puno ng mangga na makikita sa lote. Gayunpaman, malamig ang simoy ng hangin dito dahil sa mga punong nakapaligid, kaya mas maaliwalas at komportable kumpara sa loob ng aming bahay na madalas mainit.
Sa mga sandaling iyon, unti-unting bumalik ang liwanag. Tumayo ako at naglakad-lakad, hinahanap ang anggulong babagay sa liwanag ng hapon. Habang pinag-iisipan ko kung paano ko magagamit ang natural na liwanag para sa pagkuha ng mga larawan, napansin kong may ilang bunga ng mangga ang nahuhulog mula sa puno. Sa paligid, sa bandang damuhan, may mga nakakalat na bunga, karamihan ay berde pa, ngunit ang ilan ay matagal nang naroroon dahil sa kulay nito na hinog na. Nang pagmasdan ko ito, kapansin-pansin ang liwanag na tila yumayakap sa mga hinog na mangga na parang ginagawaran sila ng gintong kinang na lalong nagpapatingkad sa kanilang ganda.
Ang mangga, o Mangifera indica sa siyentipikong pangalan, ay ang pambansang prutas ng Pilipinas. Isa rin ito sa mga pangunahing produktong inaangkat ng bansa, na pangatlo sa pinakamahalagang prutas base sa dami ng export. Ngunit higit pa sa datos, ang mangga ay bahagi ng ating araw-araw—mula sa pananim sa bakuran hanggang sa simbolo ng tag-init at simpleng kasiyahan na nag-uugnay sa atin saan man tayo naroroon.
Sa aming lugar, may mga batang madalas na nagpapaalam sa amin para pumitas ng mangga. Sa ganitong paraan, nakakatulong ang puno sa ibang tao. Inaasahan ko sana na sa araw na iyon ay may darating upang manghingi ng permiso na tiyak ay makakadagdag sa kuwento ng aking larawan, ngunit walang dumating at alam ko namang mahirap talagang saktuhan ang ganoong pagkakataon.
Sa pag-abang at paghihintay ko sa tamang liwanag, natuklasan ko na ang golden hour ay nagbibigay hindi lamang ng magandang ilaw para sa larawan kundi nagdadala rin ito ng espesyal na damdamin sa mga simpleng bagay sa paligid. Nalaman ko rin na ang pasensya sa paghihintay ay mahalaga upang makuha ang magandang senaryo. Sa bawat sandali ng paghihintay, mas lumalalim ang aking pag-appreciate sa ganda ng mundo sa paligid ko.
Napagtanto ko na ang tamang liwanag ay nagbibigay-buhay hindi lamang sa larawan kundi pati na rin sa mga simpleng bagay sa paligid natin. Natutunan kong maging matiyaga sa paghahanap ng tamang sandali at anggulo upang mas maipakita ang ganda ng mundo.
Ang karanasang ito ay nagturo sa akin na ang tamang ilaw at panahon ay susi para mas mapansin at mapahalagahan ang mga munting biyaya ng kalikasan—tulad ng mga "gintong bunga" na nagliliwanag sa aking mga larawan at alaala.
"Gintong Bunga"
Kuha ni Christine Clare Sevilla, BAJ 2-2N
Shot Taken: May 19, 2025 (5:00 pm onwards)
Location: Antipolo City
