Debosyong Simbang Gabi: Mga kuwento ng Pag-asa sa likod ng mga Hiling
ni Brian B. Rubenecia, mula sa BAJ 3-1N
Debosyong Simbang Gabi: Mga kuwento ng Pag-asa sa likod ng mga Hiling
ni Brian B. Rubenecia, mula sa BAJ 3-1N
Kalembang ng kampana, nagliliwanag na mga simbahan at dagsa ng mga mananampalataya.
Tuwing Disyembre, isa sa mga inaabangan taon-taon ang pagsisimula ng Simbang Gabi o Misa de Gallo sa mga simbahang Katoliko. Natatangi ang kulturang ito dahil sa buong mundo, ang Pilipinas lamang ang nagdiriwang ng siyam na serye ng misa mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 24, bisperas ng pasko.
Sa Simbahang Katolika, ang Simbang Gabi ay mga misa ng novena o novena masses bilang paghahanda sa nalalapit na kapaskuhan at pagpaparangal sa Mahal na Birheng Maria. Karaniwan itong ginaganap tuwing madaling araw ngunit maaari na rin ipagdiwang nang mas maaga o kinagabihan bago matapos ang araw.
Isang debosyon nang maituturing ang kaugaliang ito sa mga Pilipino na gumagayak at gumigising nang maaga sa determinasyong makumpleto ang siyam na araw ng pagsisimba. Naniniwala ang marami na kapag nabuo nila ito, matutupad ang kanilang kahilingan.
Kaya naman, tulad ni Caryl Ann Satojeto, isang deboto na dalawamput-dalawang taong gulang, determinado rin siyang makumpleto ang Simbang Gabi ngayong taon na nakagawian niya na ng halos labinlimang taon.
“Bilang isang katoliko, isang tradisyon na po sa atin ang pagsisimbang-gabi. Bilang isang kabataan, sa edad na 7 years old, naimpluwensiyahan po ako ng mga magulang ko [sa pagsisimbang-gabi] at gumising nang maaga dahil napamahal na rin po ito sa akin.” ani ni Caryl.
Walang palya at nakukumpleto niya ang siyam na araw ng Simbang Gabi kada taon. Isa sa mga rason sa katuparang iyon ay ang matagal na niyang paglilingkod sa simbahan bilang sakristan simula noong siya’y labintatlong gulang pa lamang.
Ngunit, gaya ng marami, mayroon rin siyang mga hiling na ipinapanalangin at umaasa na matupad iyon sa pamamagitan ng Simbang Gabi.
“Ang wish ko po ay maging successful sa course ko na BS Criminology, maging malakas po ‘yong pangangatawan ko at ng pamilya ko. ‘Yong mga hindi ko po napupuntahan ay mapuntahan ko at yung mga kagustuhan ko po ay matupad. Nawa’y gabayan po ako ni God na malagpasan ang lahat ng pagsubok lalo na po ngayong nasa 3rd year na ako.” ani ni Caryl.
Sa ilang taon ng pagdedebosyon, dama ni Caryl na sulit ang kaniyang pagsa-sakripisyo dahil natutupad naman ang kanyang kahilingan at kagustuhan. Ani niya pa, ipinagkakaloob ito ng Diyos sa kaniya sa hindi inaasahang pagkakataon.
“Walang anumang rason kung para sa panginoon, hindi ko talaga matanggihan kasi parang kapag bumangon ka, ang gaan ng pakiramdam mo, na itinutulak ka papunta roon [sa simbahan].”
Ito ang paglalarawan ni Aling Alma Corpin, animnapu’t anim na taong gulang sa kanyang matagal nang pagdedebosyon tuwing Simbang Gabi. Umulan man o umaraw, sinusuong niya ang kahabaan ng kalsada patungong simbahan para makapagsimba at hindi mapalagpas ang mga misa sa madaling araw.
“Simula’t sapul, nagsisimba na talaga ako dahil ako’y katoliko at ‘yong simbang gabi naman, every year nakakakumpleto ako. Siguro hindi lang ako 15 years [nagsisimbang-gabi], sunod sunod talaga at walang palya.” sabi ni Aling Alma.
Sa muling pagkumpleto sa Simbang Gabi, hindi yaman o pera ang kaniyang hinihiling kundi ang mabuting kalusugan at pagtitipon-tipon ng kaniyang pamilya lalo na ngayong pasko at paparating na bagong taon.
“Ang hinihiling ko ay gabayan lang ni Lord ‘yong mga anak ko na may kanya-kanya ng pamilya, hindi magkasakit kasi may mga pinapaaral sila. Tapos ilayo lang ako sa karamdaman kasi may mga apo ako na inaalagaan dahil ‘yong mga magulang nila ay single parent.” sabi ni Aling Alma.
Bagamat aminado si Aling Alma na may ilang hiling siyang hindi natupad, masaya at nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos sa maraming katuparang naganap sa kaniyang buhay.
Hindi man mapalad na nakumpleto ang Simbang Gabi, tuloy pa rin ang pagdedebosyon ni Rhomma Manglo, apatnapu’t apat na taong gulang at matagal ng deboto simula pagkabata. Ani niya, nakukumpleto niya ito noon ngunit mula nang magkaroon ng pamilya ay naging mailap na sa kaniyang magawa muli ito.
Tulad ni Caryl at Aling Alma, isang kaugalian na rin maituturing ni Rhomma ang Simbang Gabi na ika niya ay siyang bumubuo sa pasko ng bawat pilipino.
“Parang nakaugalian na nating mga pilipino ‘yon [Simbang Gabi] kasi kulang ang pasko natin kapag hindi tayo nakakapag-simbang gabi. Tsaka sabi nga nila, kapag nakumpleto, mag-wish ka at matutupad ‘yong wish mo. Tapos pang-ano [pasasalamat] na rin natin kay Lord kasi birthday niya ng December 25, parang paghahanda na rin natin ‘yon.” sabi ni Rhomma.
Malusog na kalusugan sa buong pamilya at matagumpay na hanapbuhay ang hiling niya sa Maykapal. Dagdag pa rito ang matagal ng problema ng asosasyon sa kanilang lugar na hangad niya ay masolusyunan at matapos na.
Naniniwala si Rhomma na matutupad naman ang kaniyang hiling ngunit ika niya, mahalaga na matutong maghintay at magtiwala sa tamang panahon na ipagkakaloob iyon ng Diyos.
“Hindi naman porket hiniling mo ‘e ibibigay agad, kailangan maghintay ka talaga. Ibibigay naman ng Panginoon ‘yon, matutupad naman siya.” sabi ni Rhomma.
Hindi maikukubli na kadikit na ng Kulturang Pilipino ang Simbang Gabi na siyang nagpapakulay at nagpapalalim sa kahulugan ng Kapaskuhan — ang Kapanganakan ni Hesus na pinaniniwalaan ng mga Kristiyano bilang Anak ng Diyos. Ang kaugaliang ito ay isang patunay sa ating mahigpit na pag-akap at pagtanggap sa Kristiyanismo na minana pa natin mula sa kolonyang espanyol.
Natatangi man tayo sa pagkakaroon ng Simbang Gabi, pinalalakas naman nito ang ating pananampalataya at pinagbubuklod ang buong komunidad upang sama-samang magnilay, magdasal at magpasalamat sa mga biyayang natatanggap taon-taon.
Ang katuparan ng mga hiling ang siyang nagpapakapit sa bawat deboto — mga hiling na laan para sa sarili, pamilya, kalusugan, karera at buhay. Wala man katiyakan, ito ay nagsisilbing pag-asa na balang araw ay makamit muli gaya nang minsan ay tinupad ito ng Diyos para sa kanila.
Hi Brian,
Ang laki nang ipinagbago ng likha mo. Ang sinematografiya ng iyong video ay lalong naging smooth; maganda siyang panaoorin. Ang pagbabalangkas mo rin ng kwento ay lalong naging malinaw.
Pananampalataya at debosyon (at hiling) -- sa larangan ng peryodismo, paano kaya ito maisasalin?