BINGO! ANG TUNAY NA PREMYO AY KASIYAHAN
ni Jessica N. Obciana Gawain BAJ 2-1D


BINGO! ANG TUNAY NA PREMYO AY KASIYAHAN
Masayang magkakasama si Aling Tess Dapanas, ang kanyang mga kaibigan, at mga kabarangay na maglaro ng bingo noong ika-1 ng Mayo 2025 ng hapon sa kahabaan ng 3rd Street, Barangay Kaunlaran, bilang aktibidad ng gaganaping fiesta
Tuwing Mayo 1, kasabay ng Araw ng mga Manggagawa, ipinagdiriwang din sa aming barangay ang “Feast of Saint Joseph the Worker” para bigyan ng parangal si San Jose bilang patron ng mga manggagawa at ipagdiwang ang halaga at dignidad ng mga manggagawa sa mundo. Nagkakaroon ng misa, prosesyon at programa ang barangay na kung saan ay binibigyan ng araw ang mga manggagawa na magpahinga at magkaroon ng kasiyahan sa araw ng selebrasyon na iyon.
Sa konteksto ng larawan, si Aling Tess ay kabilang sa mga miyembro ng manggagawang Pilipino, ang pang-araw-araw niyang hanapbuhay ay pagtitinda ng mga gulay sa aming barangay. At sa araw ng fiesta dito, nakita ko kung gaano siya nagsaya, kinabahan at tumawa para sa palarong bingo bilang kanyang pahinga sa araw na iyon at manalo ng mga papremyong inihanda ng mga barangay officials.
Bilang konteksto, ang bingo ay isang laro na karaniwang nilalaro sa mga fiesta o kasiyahan na kung saan ginagamitan ng bingo cards na may random na numerong tatawagin at kapag nakumpleto ay sisigaw ng bingo! Sa aming barangay ay matagal na itong ginagawang kasiyahan at libangan tuwing araw ng fiesta bilang pahinga sa nakakapagod na trabaho, bonding sa kabarangay at para manalo sa mga papremyo.
Sa larawan na ito ni Aling Tess makikita na kahit hindi man manalo sa mga premyo ay nagagawa pa rin niyang ngumiti dahil sa isang araw ay nagkaroon siya ng oras sa pagsasaya, kasama niya ang kanyang mga kaibigan na kabahan at sumigaw sa tuwa kapag nababanggit ang mga numero at saglit na nakakalimutan ang problema sa buhay.