

Bawat Sipa ay Pangarap
Pasado alas-singko ng hapon, ika-16 ng Mayo, naabutan ko ang grupo ni Jordan isa sa mga batang manlalaro ng Angono Football Club habang nag eensayo sa Taytay Sports Complex.
Apat na taong gulang pa lamang si Jordan ay kabilang na siya sa "underage category" ng Angono Football Club kung saan ang mga batang manlalaro ay nasa edad 11 hanggang apat, parte din sya sa Azkals Development Academy. Maliliit na paa, kamay at pawisang noo, kung titignan ay batikang batang manlalaro na si Jordan dahil sa dami ng kanyang mga parangal at medalya, ngunit sa bawat pagsipa ng bola isa lang ang inspirasyon niya —ang kanyang ama na siyang Presidente at Coach ng club, si Kuya Jude.
Para sa walong taong gulang na si Jordan hindi lang ito basta paglalaro, ito ay susi sa pag abot sa rurok ng kanyang pangarap na maging parte ng National team.
Ang team ay kasalukuyang pinaghahandaan ang mga paparating na tournament na gaganapin sa complex ngayong Mayo 24 at Hunyo 24 sa Biñan, Laguna.
Sa kabilang banda, para sa aking karanasan sa pagkuha ng larawan, madalas ako pumunta sa lugar, madalas rin ako makakita ng iba't-ibang manlalaro na nag e-ensayo ngunit ito ang aking unang beses makapanayam ang ilan sa kanila. Hindi naging madali ang pagkuha ng larawan dahil ang napiling paksa ay maliliksi kung gumalaw, dagdag pa ang araw na nagbabadya ng lumubog. Ginamit ko ang liwanag ng araw sa bawat imahe upang mabigyang pansin ang tensyon at determinasyon ng mga batang naglalaro sa field ng complex.
Marami akong natutunan na aral dito, una ay ang kahalagahan ng magandang kagamitan o mga lente upang mabigyang hustisya ang bawat pitik sa larawan. Ang pagkatuto na maghintay sa tamang anggulo at mabusising manood sa mga batang ito. Bawat pitik ay mahalaga dahil hindi na mauulit ang bawat galaw ng mga naglalaro idagdag pa ang limitasyon sa liwanag na hinihintay. At ang pinakamahalaga ay ang kahalagahan ng pagkuha ng mismong larawan, kung anong layunin mo at kung ano ang mga aral na matutuklasan natin sa mga batang pursigidong manalo.
Higit sa lahat, natuto ako hindi lang sa kung paano kumuha ng larawan sa sports kundi sa mismong batang si Jordan. Sa husay nya sa paglalaro buo ang kaniyang determinasyon manalo, at paniguradong malayo ang mararating ng kanyang bawat sipa para sa pangarap.
Roselle E. Ochobillo Bachelor of Arts in Journalism 2-2N
Digital Imaging Gawain Bilang #3: Seize the Moment. Seize the Light
Location: Taytay Sports Complex, Taytay Rizal