Bakit ako kumukuha ng larawan?
Ni: John Rojell Y. Elizaga
Photo 1: Nagmamaneho si Bobby Cruz, 43, ng kanyang pangkabuhayang tricycle patungong Brgy. Daraitan, Tanay, Rizal upang ihatid ang mga kabataang magbabakasyon sa Daraitan Camp, ika-20 ng Hunyo 2022.
Maagang namulat ang aking mga mata sa mundo ng potograpiya. Bata pa lamang ay nakasanayan ko nang hiramin ang kamera ng aking ina. Pindot dito, pindot doon; senaryo kapag hawak ko na ito. Madalas din akong malito kung paano nga ba talaga ito gumagana kaya nama’y minsan ay kung ano na lamang ang aking mapindot ay siyang aking pinipindot — ika nga nila “Bahala na si Batman” — samakatuwid minsa’y maayos ngunit madalas ay malabo at magulo ang aking mga kuha.
Photo 2: Namamasada ang mag-lolong rumuruta sa Binangonan, Rizal simula umaga hanggang mag-hapon, ika-27 ng Mayo 2022.
Sa paglipas ng panahon at pagpasok sa kontemporaryong mundo, mas naunawaan ko kung paano nga ba ito gumagana. Kung paano ginagamit at saan maaring gamitin ang makabuluhang sining na ito. Marahil ang kahulugan ng potograpiya o pagkuha ng larawan ay maihahalintulad sa ating kalawakan — maraming anyo, malawak, at hindi masusukat.
Bagkus may malalim na layunin ang pagkuha ng larawan, kung ano ang ibig nitong ipahayag sa madla, pakahulugan, at kung para saan nga ba ito. Para sa akin, layunin nitong imulat ang bawat isa sa samu’t saring mga kwento. Ibig nitong ihayag ang konsepto na kanyang nais iparating sa madla. At ipamutawi sa isipan ng bawat mamamayan ang mensahe ng bawat larawan.
Ilan lamang ito sa mga esensya’t rason kung bakit nga ba talaga ako kumukuha ng larawan. Siyang saysay na nag-uudyok upang patuloy kong pindutin ang pindutan ng aking kamera’t lente.
Photo 3: Inaayos ni Mae, 19, ang kanyang paninda, Angono Public Market, ika-2 ng Enero 2022
Bilang isang maniniyot o taga-kuha ng larawan, ang aking sariling panlasa at estetika sa pagkuha ng larawan ay ang mga makukulay na bagay, kilos, at tao. Hilig kong kumuha ng mga senaryong makulay sapagkat ako’y nabubuhayan kapag nakakakita ng maraming kulay sa isang litrato. Ginaganahan din akong latagan ito ng kuwento sapagkat marami akong naihahain na mga konsepto: maaring patungkol sa kasiyahan, pagbangon, pagsisikap, at marami pang iba.
Photo 4: Nagtatampisaw ang magkakaibigang sina Allen, Timothy, at Zyrelle sa dagat na matatagpuan sa Isla Verde, Batangas, ika-21 ng Abril 2022.
Ang mga larawang ito sa aking mga estetika. Ito rin marahil ay nagsasaad ng aking pamantayan sa pagkuha ng larawan — mga senaryong nagpapakita ng kilos o aksyon na siyang sumasakop sa maraming makukulay istorya.
Sa huli, ako’y kumukuha ng larawan para sa iyo. Para sa madla. Upang imulat ang kaisipan ng madla sa samu’t saring isyung panlipunan.