

Bakas ng Pakikibaka
Hindi lang basta isang building sa PUP ang Charlie Del Rosario, maraming kwento ang nasaksihan ng gusaling ito sa Sintang Paaralan.
May kwento ng isang general assembly na ginanap dito kasi walang pambayad sa venue, praktis ng mga highschool students na naghahabol ng araw sa praktis dahil malapit na ang pagtatanghal, kwento ng magkasintahang gusto ng katahimikan sa presensya ng isa't-isa.
Pero sa tingin ko, ang pinakamagandang kwentong nasaksihan ng Charlie Del Rosario building ay ang bakas ng pakikibaka ng mga Iskolar ng Bayan na iniwan mismo ni Professor Charlie Del Rosario sa kultura ng PUP.
Dahil hangga't nananatiling nakatayo ang gusaling ito, nananatili ring nanunuot sa kasaysayan ng Sintang Paaralan ang pagtindig ni Professor Charlie sa pasistang rehimen ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos, hanggang sa kasalukuyan na ipinagpapatuloy ng mga Iskolar ng Bayan.
Dahil kahit na kontradiksyon ang pangalan ng ating mundo, alam kong iigpaw, magpapatuloy, lalaban, at magtatagumpay ang bawat Iskolar ng Bayan para sa laban ng bawat mamamayang Pilipino.