Ang Ukay-Ukay at Modista: Ang Hamon at Kuwento ng mga Gulugod ng Industriya ng Damit
ni Lawrence B. Coruno, BAJ 3-1D
Ang Ukay-Ukay at Modista: Ang Hamon at Kuwento ng mga Gulugod ng Industriya ng Damit
Hindi raw lahat ng tao deserve ng second chance, pero tila talo pa natin ang santo sa pagpapatawad sa mga damit ng ukay-ukay, na hindi lang sila nabigyan ng ikalawang pagkakataon, pinatawad na rin ang mga damit sa mababang halaga.
Ukay-ukay na galing sa “halukay” o paghuhukay, at tinatawag ding “Wagwag” ng mga Ilokano na ang pagpapakahulugan ay pag-pagpag, makikitang sa etimolohiya pa lang ay malinaw na ang proseso ng pag-uukay— ang paghuhukay nito sa lagayan at pagpapagpag nito galing sa sampayan upang matanggal ang dumi.
Hindi man tiyak kung kailan at paano nagsimula o kung una bang umusbong ito sa Baguio o Cebu, hindi mapagkakailang sinasaklaw ng ukay-ukay ang mahabang kasaysayan ng Pilipinong maparaan sa hikahos na lipunan. Isang kulturang naisilang sa kagustuhang makapagdamit nang “maganda ang kalidad, kakaiba, at bago” sa hindi makabutas-bulsa[3] dahilan kung bakit marami pa rin ang tumatangkilik nito.
Ayon kay Aling Rosa, na tumangging ibigay ang kaniyang buong pangalan, nagtitinda ng ukay-ukay, tinatangkilik ang ukay-ukay dahil maaaring makabili ang mga tumatangkilik ng mga branded sa murang halaga.
“Mas gusto nila ang ukay dahil magaganda talaga ang tela ng ukay. May mga branded, ang benta namin 200. Kapag may nag-selection [pumili] niyan, nabebenta pa nila ng mahal iyan sa online” sabi ni Aling Rosa.
Nagsimula noong 2009, ang puwesto ni Aling Rosa ang pinakamatagal nang nagbebenta ng ukay-ukay Star Valley building sa pamilihan ng Cainta, Rizal. Ayon sa kaniya, ang kaniyang mga damit ay galing pa sa China, Japan, at Korea na inaangkat sa Baclaran, Manila kung saan sila namimili nang bulto-bulto.
Sa halos buong araw, kumikita si Aling Rosa ng isa hanggang tatlong-libong piso sa pagbebenta ng mga damit.
“Ang mabenta namin dito ay dress… pati t-shirt panglalaki. Ang simula ay 10 [pesos] hanggang P150, P250… yung mga Levi’s [pantalon], ‘yon umaabot ng 300” dagdag ni Aling Rosa.
Sa kabila ng libo-libong kita ni Rosa sa pag-uukay, itinuturing niya namang kalaban sa negosyo ang mga online thrift shops.
Ayon sa kaniya, noong hindi pa sumisikat ang online shops ay mas malaki sa kasalukyan nilang kinikita na tatlong-libong piso ang kanilang naiuuwi.
“Noong wala pang online, malungkot na kami sa limang-libo. Pero ngayon, swerte na sa amin ang limang-libo” sagot ni Aling Rosa.
Dagdag pa rito, isiniwalat niya rin na ang mga online thrift shops ay bumibili rin sa kanya ng ukay-ukay at ibinebenta nila nang mas mahal online.
Tunay na malaki ang industriya ng ukay-ukay. Sa halos 50 taon simula nang ito’y naging popular, lumikha na ito ng maraming trabaho at pera sa ekonomiya.
Sa ulat noong 2022[4], sinabi ni House Representative Albay 2nd District Joey Salceda na ang industriya ng ukay-ukay ay tinatayang P18 bilyon ang halaga. Resulta ito ng pagtangkilik ng mga pilipino sa mga branded na damit sa mababang presyo. Dahil din dito, kaya naghain si Salceda ng pag-amyenda sa Republic Act No. 4653[5]—isang batas na nagbabawal sa importasyon ng segunda-manong damit at kagamitan upang mabigyan importansiya ang industriya ng segunda-manong damit.
Ngunit sa kabila nito, maraming mga modista at sastre ang patuloy na nangangamba naman sa kanilang kabuhayan dahil sa ukay-ukay. Sa pagpatok ng ukay-ukay at pagpasok ng overruns, natatakot ang mga mananahi’t modista ng damit sa Taytay, Rizal.
Sa ilang taon, kilala ang Taytay, Rizal bilang Garments Capital ng Pilipinas. Bilang isa sa pinakamalaking prodyuser ng tela, ipinagmamalaki ng bayan ng Taytay ang kanilang tiangge kung saan mabibili ang sari-saring damit na pati ang mismong Divisoria ay dito rin umaangkat.
Ngunit sa pagpasok ng overruns at ukay-ukay sa tiangge ng Taytay, nangangamba ang ilan gaya ni Aling Erma Jordan sa kanilang kabuhayan.
Taong 2018 nagsimula ang tindahan ng sariling-likhang damit ni Aling Erma. Ang kaniyang likhang infinity dress ang sinasabing mabenta sa lahat ng kaniyang paninda.
“Noong wala pang pandemic, ang patahi ko ay Terno-Pajama pero noong marami nang gumaya-gaya, wala na, dito na ako tumutok sa infinity dress kasi since kahit hindi naman season ng kasal, tuloy-tuloy pa rin eh [ang pagbili ng tao]” ani ni Erma.
Sa sobrang patok ng kaniyang nilikhang damit, nagkaroon na rin sila ng tindahan online kung saan pwede mamili ang mga interesado.
“May mga hawak kasi akong reseller kaya medyo kahit papaano nakakabenta… Kagaya ngayon, dedeliver ako 3K+ [mahigit P3000), kahapon din may nagpick-up sa akin. Kahit pa’ano okay-okay din kaysa ordinary na mga damit-damit”
Ngunit sa kabila ng pagiging patok ng kaniyang infinity dress, nangangamba pa rin si Erma na hindi panghabang-buhay ang pagiging popular ng kaniyang paninda dahil sa ukay-ukay at overruns.
“Diba sa ukay-ukay singkwenta meron na, minsang branded pa kung marunong kang maghanap dapat nga hindi pinapasukan ‘yan dito eh. Tsaka mga overruns, ‘yan ang nakakasira sa negosyo kaya ‘yung gawang Taytay nawawala na” pagpapaliwanag ni Erma.
Sa pagkakahulugan ni Aling Erma, ang mga overruns o factory overruns ay sinasabing mga sobra sa pabrika ng damit dahil sa hindi ito pumasok sa pamantayan ng kalidad kaya ibinebenta sa mababang halaga na kaniya namang ikinatatakot dahil ang pagpasok nito ang dahilan ng pag-unti ng gawang-Taytay.
Dagdag pa ni Erma, kilala ang Taytay noon sa bulto-bultong pagbili ng mga damit o wholesale. Ngunit dahil sa hindi mapigilang pagpasok ng overruns at ukay-ukay ay unti-unti na itong nawawala.
“Dito sa Taytay, ‘yan [overruns at ukay-ukay] ang number one na nakasira.” pagdidiin ni Erma
Sa kabilang banda, hindi gaya ng nag-uukay na si Aling Rosa, itinuturing namang katulong ni Erma ang mga online shops.
“‘Yang mga Shopee-Shopee [online shop] na ‘yan diba? Mura lang. Hindi na napapagod ang tao mag-order kaya doon na lang. Kasi ako may hawak rin akong online seller, halos karamihan sa online ako nakakakuha ng buyer. Kaso lang, siyempre pagdating dito sa pwesto, lugi ka.” pagpapaliwanag ni Aling Rosa
Isa ang tindahan ni Erma at ukayan ni Aling Rosa sa bumubuo ng clothing industry sa Pilipinas. Dahil sa patuloy na pagpatok ng damit maging sa kabataan, kinakikitaang aabot ng $5.17 Bilyon ang kabuuang revenue ng industriya ng damit sa 2024 at inaasahang tataas pa ito sa mga susunod na tao[6].
Masasabing nasa kultura na ng mga Pilipino ang pagiging wais sa pagiging presentable. Mapa-lalaki man o babae, matanda man o bata ay naging takbuhan ang ukay-ukay at tindahan ng damit para makiayon sa isang okasyon.
Sinasabing isa ang damit sa pangangailangang pisikal ng tao. Galing man sa ukay-ukay o likha man ng isang modista, hindi mapagkakailang ang mga telang hinabi ay sumasalamin din sa identidad ng nagsusuot nito. Sa kasalukuyang lipunan, sinasalamin ng proseso kung paano tayo manamit ang ating interes, personalidad, propesyon.
MGA SANGGUNIAN
[1] Isla, V. L. (2013). Investigating second-hand fashion trade and consumption in the Philippines: Expanding existing discourses. Journal of Consumer Culture, 13(3), 221–240.
[2] Lalu, G. P. (2022, August 17). “Ukay-ukay” market potential spurs move to repeal law banning its import. INQUIRER.net.
[3] Republic Act No. 4653 | GOVPH. (1966, June 17). Official Gazette of the Republic of the Philippines.
[4] ltd, Research and Markets. “Philippines Apparel Retail Market Summary, Competitive Analysis and Forecast to 2027.”
Zerrudo,M.R. (2013). Ukay-ukay, imported surplus: The skirt of globalization.Sunstar-Lifestyle.
Abueg, L. (2005). The economics of secondhand retail trade: an analysis of the market for ukay-ukay.