Ang mga Maliliit na Manggagawa ng Luneta Park
Larawang-sanaysay #2 ni Jamaica A. Cabilis BAJ 2-2N
Ang mga Maliliit na Manggagawa ng Luneta Park
Larawang-sanaysay #2 ni Jamaica A. Cabilis BAJ 2-2N
Sa kabila ng matinding init na bumabalot sa kapaligiran ng Luneta Park, Martes, Mayo 7 ay mamamataan ang mga tindero't tindera na kumakayod at hindi nagpapatinag sa maalinsangang panahon. Hindi na bago ang ganitong eksena sa loob ng parke kung saan itinatampok ng bawat nagtitinda ang kanilang iba't-ibang produkto sa mga turista. Ang iba sa kanila ay nagbebenta ng mga laruang pambata gaya ng mga makulay na bola, cartoon figures, bubble gun at marami pang iba. Ang iba naman ay naglalako ng mga pagkain tulad ng taho, ice cream, at indian mango na may kasamang sili at bagoong. Habang mayroon ding nag-aalok ng serbisyo gaya ng kalesa ride.
Hindi man tanungin ay makikita sa mga mata ng mga nagtitinda ang pagod na kanilang nadarama sa maghapong kanilang iginugugol sa pagbebenta sa Luneta upang may pang tustos sa mga pangangailangan o kundi man ay para lang may ihapag sa lamesa sa oras ng kainan. Ilan sa kanila ay ang mga photographer, taho at ice cream vendor, kalesa rider at iba pa na patuloy na kumakayod at lumalaban ng patas sa araw-araw na hamon ng buhay.
Magdadalawang dekada nang nakikipagsalamuha at nag-aalok na kumuha ng larawan si Tatay Jaime sa Luneta Park habang ang kaniyang may bahay naman ang nagpapatakbo ng kanilang maliit na sari-sari store. Ang kinikita nilang mag-asawa ay napupunta sa kanilang mga pangangailangan lalo na sa kanilang mga gamot pang-maintenance buhat ng ang kanilang tatlong anak ay may kanya-kanya na ring pamilya. Bukod dito, si Tatay Jaime at ang kanyang asawa ay nakakakuha rin ng senior pension tuwing tatlong buwan na kanilang ginagamit bilang pandagdag sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
“Sa tagal ko na rito, siguro kung ‘di mahirap mabuhay, tumigil na ako kaso wala eh, araw-araw kailangan mo kumita, kumayod para may pangkain tsaka panggastos”
Sa kabila ng init ng panahon ay kasama ni Nanay Fe ang kanyang mga apo sa kanilang tindahan sa Luneta Park kung saan itinatampok ang iba't-ibang klase ng laruang pambata tulad ng mga mga makulay na bola, bubble gun, cartoon figures at marami pang iba. Ayon sa kaniya ay walang magbabantay sa mga ito kung kaya't minabuti n'yang isama upang mabantayan buhat ng parehong naghahanap-buhay ang mga magulang nito. Tila hindi naman ramdam ng mga bata ang init dahil ang dalawa sa kanila ay nakayapak pa habang masayang nakikipaglaro. Nagsisilbing namang malaking tulong ang puno ng mangga na s'yang nagsisilbing proteksyon nila mula sa init.
“Maayos naman ‘yung bentahan lalo na sa mga bata na nagpupumilit magpabili sa mga magulang nila. Ayun, pinakamatumal [na kinikita] mga 200 [pesos] mahigit o sobra isang libo naman ‘pag malakas bentahan”
Ang negosyong pagtataho ni Tatay Ben sa Luneta Park ang dahilan kung bakit napagtapos n’ya ang kaniyang dalawang anak na iskolar sa kolehiyo. Ngunit, sa kabila ng kanilang umaangat na pamumuhay ay mas pinili pa rin n’yang magpatuloy sa pagbebenta dahil ayon sa kanya ay, malakas pa naman daw s’ya at nasisiyahan s’yang makasalamuha ang iba’t-ibang mga tao. Kung hindi naman s’ya naglalako ay ipinapasyal n’ya ang kanyang mga apo sa Luneta kasama ang kaniyang asawa.
“Eh, kahit gusto ng mga anak ko na tumigil na [sa pagbebenta], wala naman ako’ng gagawin sa bahay, kumbaga pampalipas oras ko na lang ito tsaka dagdag na rin pang-tustos”
Dala ng maalinsangang panahon ay napahikab si Kuya Wilson habang naghihintay ng mga kustomer na bibili ng kanyang produktong ice cream na may iba’t-ibang flavor tulad ng ube, strawberry at keso. Panganay sa kanilang apat na magkakapatid si Kuya Wilson at upang matulungan ang kanyang mga magulang sa pagpapaaral ng kaniyang mga kapatid ay napagdesisyonan n’yang tumigil matapos maka-graduate ng high school at namalagi sa Luneta upang maging isang ice cream vendor.
“Hindi naman natin ginusto maging mahirap pero wala eh, may mga sakripisyo talaga minsan na kailangan nating gawin para sa mga mahal natin sa buhay. Minsan nga kulang na kulang [kinikita] pero ayos na rin ‘yung mahigit isang libo pang-dagdag [sa gastusin]”
Ang mag-asawang sina Lola Lina at Lolo Gregor ay mas piniling magtinda sa Luneta Park matapos magkaroon ng kanya-kanyang pamilya ang kanilang mga anak. Ayon sa kanila, bukod sa ibinibigay na halaga ng kanilang mga anak ay nakakatulong din ang kanilang negosyo upang tustusan ang kanilang iba pang mga pangangailangan lalo na sa pagbili ng mga gamot para sa kanilang kalusugan.
“Hangga’t makakaya naming dalawa, ‘di kami titigil [sa pagbebenta]. May inaabot naman ‘yung mga anak namin pero sayang din kasi ‘yung kahit tatlong daan na kita kada araw”
Ang maniniyot na si Kuya Andrew ay isang high school graduate na nakahiligan ang pagkuha ng mga larawan simula noong siya ay nasa murang edad pa lamang. Noon ay libangan pa lamang ang kanyang turing sa pag-pitik ngunit nang lumaon ay pinagkakitaan n’ya na ito mula sa kanyang pagsasa-sideline tuwing sasapit ang iba’t-ibang okasyon kagaya ng, birthday, kasal, graduation at iba pa. Ngunit, matapos ang pandemya kung saan siya nawalan ng hanap-buhay ay naisipan n’yang lumipat sa Luneta para kahit papaano ay mas malaki ang tsansa ng kanyang kikitain.
“Mahirap maging photographer lalo na kung suma-sideline ka lang pero mas mahirap nung pandemic ‘yung tipong wala ka na talagang kinikita. Kaya nga, naisipan kong lumipat dito [sa Luneta] para kahit papaano ay permanente na ang trabaho ko pero ‘yun nga mahirap din dala ng may mga cellphone na ‘yung mga tao”
Mula sa pamana ng kaniyang mga tumatandang magulang ay si Kuya Herbert na ngayon ang namamahala ng kanilang pinagkakakitaan na kalesa. Dahil sa kahirapan ay pinili n'yang tumigil sa pag-aaral upang pamahalaan ang kanilang negosyo at magpagayundin ay upang alagaan ang kaniyang mga magulang. Dahil na rin sa ipinamanang pang-kabuhayan ng kaniyang mga magulang ay natutulungan s’ya nitong pag-aralin ang kaniyang dalawang anak sa elementarya.
“Namamahalan siguro ‘yung mga tao sa presyo [500 pesos sa loob ng tatlumpung minuto sa pagsakay sa kalesa] kaya ‘di talaga maiiwasan ‘yung mga matumal na araw pero may mga araw din talaga na malakas ang kita lalo na ‘pag maraming turista, minsan umaabot ng mahigit dalawang libo”
Ama ng tatlo si Kuya Edwin at napagtapos n’ya na ang kanyang panganay na anak sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagbebenta ng iba't-ibang malamig na inumin sa labas ng Luneta Park at ngayo’y patuloy pa rin s’yang kumakayod upang itaguyod ang mga pangangailangan at pag-aaral ng kanyang dalawang anak na kasalukuyang nag-aaral sa high school. Kung hindi naman s'ya nagbebenta ay tinutulungan n'ya ang kanyang asawa sa pamamahala ng kanilang maliit na karinderya.
“Mahirap talaga ang buhay kaya umulan man o umaraw ay sinisikap ko na makapagbenta para makapagtapos sila kasi ayaw kung matulad sila sa’kin. Ayos naman ‘yung kinikita kong tatlo hanggang limang daan o mahigit sa isang araw depende kung maraming bumibili”
Bukod kay Kuya Edwin ay nagbebenta rin ng mga malamig na inumin si Aling Alma, sa pamamagitan nito ay naitatagayud n'ya ang mga pangangailangan at pag-aaral ng kanyang mga anak na kasalukuyang nasa elementarya at high school habang ang kanyang asawa naman ay nagtatrabaho bilang isang construction worker. Bilang dagdag din na pang-tustos ay suma-sideline rin si Aling Alma sa paglalabada.
“Dahil sa may ka-kompetensya sa pagbebenta, ‘di talaga maiiwasan ang maliit na kita lalo na tuwing umaga at hapon lamang kami nagtitinda. Minsan maayos naman ang kita pero kadalasan hindi, swerte na siguro kung makabenta ka ng limang daan sa isang araw o mahigit”