Ang Magtrabaho ay Di Biro
ni Renato Narciso BAJ 2-1D


Ang Magtrabaho ay Di Biro
Renato Narciso BAJ 2-1D
Bago pa man sumapit ang alas siyete ng umaga, makikita na sila na abala sa kani-kanilang mga trabaho. Kung gaano kabilis ang pagsikat ng araw, ang siya ring pag-ayon nila rito upang kumayod at umahon sa buhay.
Si Mang Danny, isang traffic enforcer, Si Royette, delivery boy ng maiinom na tubig, at Si Ate Tel, na nagbebenta ng malalaking bugkos ng mga puting rosas ang mga naging pangunahing tauhan ko sa mga larawang ito. Mga ordinaryong manggagawa ngunit ekstraordinaryo ang tungkuling ginagampanan sa ating lipunan.
Malapit sa pwesto nila ang simbahan ng San Agustin Church dahil kuha ang mga litratong ito sa Intramuros, Manila nitong ika- 20 ng Mayo. Marahil di nila alintana ang takot at pangamba at siguro’y panatag ang loob nila palibhasa’y malapit sila sa kapilya.
Talikuran man sila ng mga taong inaalok ng paninda, suwayin ng mga tao at sasakyang di sumusunod sa batas-trapiko ng kalsada, at balutin nang tumatagiktik na pawis mula sa init at pagpadyak sa bisikleta, siguradong bago tuluyang kainin ng dilim ang liwanag, may mga taong haharap at yayakap, susunod sa yapak, at magpupunas ng pawis sa kanilang pag-uwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Kung totoo siguro ang kasabihang “ang taong masipag at maagap ay mabilis na yayaman” nasa listahan siguro sila ng pinakamayayaman sa Pilipinas kung sipag, sikap, at tiyaga lamang ang pag-uusapan at puhunan
Ang pagbisita ko sa Intramuros, Manila upang kumuha ng mga larawan sana ng mga daan at gusali ay nabaling sa mga taong nagsisilbing matibay na muog at tumatayong matibay na pader hindi lamang ng kani-kanilang pamilya ngunit pati ng ating lipunan.
Habang papauwi ay napaisip ako sa mga nangyari kanina. Minsan pala talaga hindi sa lahat ng oras masusunod ang mga bagay na itinakda at iplinano natin para sa ating mga sarili. Katulad na lang ng nangyari sa akin kanina. Minsan, tadhana rin ang salarin kung bakit hindi ito umaayon sa atin. Marahil ay may gusto itong ikwento sa atin. Imulat tayo sa katotohanan at realidad o ipaalala sa atin na minsan ayos lang na magpatuloy sa buhay kahit may mga ilang bahagi na wala pa ring kasiguraduhan.
Tulad ng paghahanap-buhay; wala ring kasiguraduhan. Maaaring swerte o malas, nasa ibabaw o nasa taas. Sapagkat ang magtrabaho ay kailanman hindi magiging biro.
Sa iyong mga larawan, Renato, ang blue ay blue, ang pula ay pula, ang puti ay puti. Lumabas ang totoong kulay dahil sa mahusay na paggamit ng liwanag. Tama rin ang sukat. At higit sa lahat, ang kwento mo ay totoo, ang emosyon mo ay tunay. Orihinal ang iyong tinig at may sariling itong pagkakakilanlan.