

Ang Ginto sa Likod ng Anino
[In the Warmth Behind Your Gaze—to be seen and cherished more deeply than I dare love myself.]
Ako’y laging naiinggit sa mga mata ng iba. Sapagkat ang akin, tila laging kulang—hindi kasing kinang ng kanila, hindi kasing lalim ng pupila, hindi kasing kapal ng pilik, o kasing ayos ng kilay. May mga matang parang sinadya ng langit para titigan, sambahin. Samantalang sa akin, tila angkin ng aninong napag-iwanan ng sinag.
Ngunit ibang-iba ang sa kaniya.
Sa mga mata niyang kapag ako’y tinatanaw, parang ako’y buo—parang ako’y minamahal nang mas buo pa kaysa sa sarili kong pagkilala sa akin. At sa bawat sulyap niya, para bang nakikita ko ang sarili kong hindi ko kayang tingnan sa salamin—hindi yung sirang sarili, kundi yung kaya niyang yakapin.
Isang araw ng pagdiriwang ang inilaan niya para sa akin. Gantimpala raw sa isang linggong pagod. Isinulat niya ang araw na iyon parang tula: may simula, gitna, at wakas. May espasyong iniwan para sa aking munting hilig—ang paghabol sa gintong oras. Nang ang araw ay nagsimulang bumaba, at ang liwanag ay tumagos sa mga siwang ng istasyon, tinakbo namin ang hagdang bakal, tinakasan ang oras upang habulin ang liwanag.
Hindi ko nakuha ang mga kuhang inaasam ko, ngunit naroon siya. Tinuruan niya ako ng anggulo. Pinilit niyang ipakita na ang ganda, minsan, ay nasasalubong hindi dahil sa plano, kundi dahil sa presensya. At nang siya’y aking ginawang paksa, nang ang anino ay naglaro sa kaniyang mukha, nakita ko ang liwanag na hindi kailanman nawala.
Tinakpan ng anino ang isa niyang mata—nilukob ng dilim. Ngunit ang isa’y nanatiling maliwanag, hindi dahil sa araw, kundi dahil sa ginintuang init na taglay ng kaniyang loob. Sa ilalim ng sinag ng dapithapon, hindi ko na lamang kuha ang larawan niya—kundi pati ang damdamin niya.
Nagmumula sa mata niya ang init na kahit kailan ay hindi ko nakita sa sarili ko. Hindi niya kinailangang magsalita. Sa bawat tingin niya, alam ko—na kahit may aninong pumapagitna, kahit hindi siya laging natatanaw, naroon pa rin siya, tumitingin pa rin, nagmamahal pa rin.
At doon ko nalamang tunay na maganda ang mga mata—hindi kung paano ang hitsura nito, kundi kung paano ito tumingin.
Nagparaya ang iyong kaibigan, Jezra. At tinulaan mo siya sa larawan at sa salita. Kasing-alab ng araw ang iyong damdamin.